HUMAHABOL pa ang Pilipinas sa posibleng dalawang ginto isang araw bago pormal na isara ang 28th Southeast Asian Games ngayon sa Singapore.
Nasa finals kagabi ang sepak takraw men’s doubles na binubuo nina Jason Huerte, Emmanuel Escote at Rheyjey Ortuoste at ang napapaborang men’s basketball team para pagtangkaan na higitan ang 29 ginto na napanalunan ng bansa noong 2013 Myanmar SEA Games.
Nakahabol pa ang mga pambansang manlalaro sa taekwondo na sina Samuel Thomas Morrison (men’s -68 kilograms) at Pauline Louise Lopez (women’s -57kg) ng dalawang ginto noong Linggo ng gabi para wakasan ng mga jins ang kampanya bitbit ang tatlong ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya.
Sapat ito para tumapos sa ikalawang puwesto sa pangkalahatan kasunod ng Vietnam na may nangungunang limang ginto at tatlong pilak.
Ang mga panalo ay nagtulak para magkaroon na ang bansa ng 28 ginto bukod sa 35 pilak at 65 tanso.
Selyado na ng Pilipinas ang ikaanim na puwesto at malaki ang tsansang mapantayan ang 29 gold medals noong 2013 na manggagaling sa men’s basketball.
Napahirapan man ng Thailand na kanilang tinalo sa dikitang 80-75 iskor sa semis, wala namang nakikitang problema ang Nationals para idispatsa ang Indonesia sa championship game kagabi.
Kung manalo, ito ang magiging ika-17th ginto ng bansa sa 18th edisyon ng basketball sa SEA Games.
Noong 1989 sa Kuala Lumpur, Malaysia pa lamang natalo ang pambansang koponan habang walang basketball noong 2005 sa Manila at 2009 sa Laos.
Ang posibleng ika-30th ginto ay nakasalalay sa ipakikitang laro ng men’s sepak takraw na unang hiniritan ng 21-12, 19-21, 21-16 panalo ang host bets na sina Asfandi Bin Ja’al Muhamad Safie at Mohamed Amran sa semifinals kahapon.
Kalaro ng pambansang koponan para sa ginto sina Aung Zaw Zaw, Aung Myo Swe at Zaw Lah ng Myanmar habang isinusulat ang balitang ito.
Sina Ronel Estanislao at Philip Joper Escueta ay nagkaroon din ng pagkakataon na makapaghatid ng ginto sa men’s doubles sa badminton pero natalo sila kina Marcus Gideon at Kevin Sukamuljo ng Indonesia sa 14-21, 12-21, straight sets.
Isasara ang tabing ng palaro ngayong araw at wala ng panlaban ang Pilipinas.
Sa overall race, angat pa rin ang Thailand sa 89-83-68 at pitong ginto ang layo nila sa Singapore na may 82-73-100. Ang Vietnam ang nasa ikatlo sa 73-52-60, kasunod ng Malaysia sa 60-53-66, at Indonesia sa 45-56-74.
Ang Myanmar ay nasa ikapitong puwesto sa 11-24-31 medal tally.