TIIS KA, MANG DOMENG

NANGGAGALAITI si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano (isantabi muna ang kanyang posisyon sa impeachment ni Renato Corona at huwag munang magngitngit, naman) nang komprontahin nito si Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes hinggil sa P4.3 milyon kama’t kutson na binili ng ahensiyang eksperto sa dagdag-bawas para higaan ng matataas na opisyal nito, hindi ng rank-and-file, siyempre, sa mansyon nito sa Baguio City.

Wa!  Ha!?!?  May mansyon ang Comelec?

May mansyon ang Comelec sa Baguio?  Sino ang susunod na magkakamansyon, maliban sa pangulo?

Anong ahensiya ng gobyerno na tinutustusan mula sa buwis ng arawang obrero na si Mang Domeng ang magkakaroon ng magara at malaking bahay sa Baguio? Sa Tagaytay?  Sa Ilocos? O sa anumang lalawigang malamig at mabango ang simoy ng hangin?

Dapat lang na  magkaroon ng mansyon ang pangulo sa Baguio dahil ito na ang nakagawian panahon pa ni Quezon.

Nahawa ang Korte Suprema, pero di naman singgara ng palasyong tirahan ng pangulo.

Dapat lang na bigyan ng magarang tirahan ang mga mahistrado ng Supreme Court dahil piga at taktak-utak ang kanilang ginagawa, di tulad ng Malacanang at ng naninirahan sa Palacio del Gobernador.  Mapipiga ba ang utak ng nagbibilang lamang ng boto?

Matataktak ba ang utak ng nagbabawas at nagdadagdag ng nabilang na?

Maluho ang P4.3 milyon kama’t kutson para sa mga opisyal ng Comelec na malalapit sa pangulo kung ang pagbabasehan ay 80 milyon Pinoy ay humihiga sa kama o papag na matigas pero walang kutson.

Kung may kutson man ay di naman ito nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa.

Para kay Mang Domeng, nakagagalit at nakaiinsulto na magkaroon ng mansyon ang Comelec, at sa Baguio pa.

Si Mang Domeng ay nangungupahan lang sa maliit na silid sa barung-barong na pag-aari ng squatter.

Mula sa maliit na silid ay nagbabayad si Mang Domeng sa kuryente, na ang kuwenta ay base sa matematika ng squatter.

Ang tubig ay binibili ni Mang Domeng araw-araw sa may balon, may gripo, aguador, o maliit na trak na nagrarasyon ng tubig simula umaga hanggang gabi.

Halos mag-alsa at maghasa ng itak si Mang Domeng at mahihirap, lalo na sa kalunsuran, nang malamang may mansion na ang Comelec.

Malaki ang pagkakaiba ng trabaho ng mga opisyal ng Comelec sa trabaho ni Mang Domeng at milyun-milyong arawang obrero.

Ang mga opisyal ng Comelec ay nagtatrabaho sa malalamig na silid, hindi naaalikabukan, hindi nauulanan, hindi nalilipasan ng gutom at higit sa lahat hindi kinakaltasan at nagkukulang ang sahod.

Sina Mang Domeng at arawang mga obrero ay pumapasok na darang sa napakainit na sikat ng araw at babad sa ulan at baha.

Kung di nila ito gagawin ay di kakain ang kanilang pamilya.

Sina Mang Domeng at arawang mga obrero ay kailangang bumiyahe mula sa kanilang mga bahay hanggang sa trabaho kahit mataas ang pasahe sa bus, jeepney, tricycle, pedicab at trolley sa mga riles ng tren; o bangka sa mga ilog, sapa at binahang mga kalye dahil na rin sa kapabayaan ng sinusuwelduhang mga opisyal ng mahihirap.

Mansyon sa mga opisyal, mamahalin o pinakamahal na mga kama’t kutson sa mga dikit at kapit sa administrasyon.

Barung-barong, alikabok, maruming tubig at baha sa mahihirap na arawang mga obrero.

Magtiis ka, Mang Domeng.

Wala ka namang magagawa kundi ang maghigpit ng sinturon, at magtiis pa habang sila’y pasasa sa buwis mo.

Read more...