MARAMI ang naghayag ng pagtanggap sa kakaibang konseptong handog ng Kapuso faith-serye na Pari ‘Koy na tumatalakay sa buhay ng isang pari at kung paano niya pinakikitunguhan ang mga tao sa kanyang parokya.
Dahil na rin sa magandang takbo ng kwento at mga karakter na talaga namang sumasalamin sa tunay na buhay, patuloy na nagiging inspirasyon ang Pari ‘Koy sa mga manonood na palakasin at isabuhay ang kanilang pananampalataya.
“After all the problems that our world is encountering, I think we all need something like this to inspire us, to strengthen our faith not only in God but in ourselves and our fellow men,” sabi ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na gumaganap bilang si Father Kokoy.
Sa kanyang pamamalagi sa Barangay Pinagpala, kitang-kita kung paano minahal at sinuportahan ng mga tao si Father Kokoy. Ngunit ngayong dumating na ang pinaka-kinatatakutang pagkakataon ni Father Kokoy, tila marami ang kumuwestiyon sa kanyang credibilidad bilang pari matapos malaman ng lahat ang kanyang pagiging ama.
Samantala, pipiliin ni Michelle (Carla Abellana) na lisanin ang Pinagpala kasama ang anak na si Pinggoy (David Remo) dahil na rin sa takot na maging tampulan ng tukso at pangungutya ang kanyang anak.
Si Father Kokoy naman ay magpupunta sa isang retreat house sa pag-asang mabibigyang linaw ang mga suliraning kanyang kinahaharap. Ano nga kaya ang mas magiging matimbang kay Father Kokoy: ang pagpapari o ang pagiging isang ama?
Sa susunod na linggo, kilalanin ang mga bagong karakter na magiging bahagi ng buhay ni Father Kokoy. Isa na rito si Daniela (Barbara Miguel), isang ispiritong papasok sa katawan ni Sarah at pahihirapan hindi lamang si Sarah kung hindi pati na rin ang mga taong nakapaligid sa kanya.
Samantala, habang patuloy si Father Kokoy sa pagharap sa kanyang mga personal na problema, makikilala niya si Beth (Louise Delos Reyes) na tatangkaing tumalon sa tulay upang magpakamatay.