Mar Roxas mistulang inendorso na ni PNoy sa kanyang Independence speech

ILOILO -Halos inendorso na ni Pangulong Aquino sa kanyang talumpati si Interior Secretary Mar Roxas sa ika-117 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Sta. Barbara Church dito.

“Alam naman po ninyo, itong tunay na anak ng Panay island na si Secretary Mar ang nanguna sa pagsusulong nito. Gaya po ng nabanggit ko na, alam nating kapag inatas nating pamunuan ng isang Mar Roxas ang isang proyekto o programa, asahan mong magtatagumpay po ito,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati.

Noong Huwebes, tahasang sinopla ni Aquino si Vice President Jejomar Binay na wala raw itong maasahang basbas mula sa kanya sa pagtakbo sa presidential election sa 2016.

“Tiwala po ako: Basta’t nananatili tayong tumatahak sa Daang Matuwid, maipagpapatuloy natin ang pagbabagong ating tinatamasa sa kasalukuyan,” ayon pa kay Aquino.

Kasabay nito, ipinagtanggol ni Aquino ang desisyon na sa Iloilo ganapin ang paggunita ng Araw ng Kalayaan.

“Sa atin pong kasaysayan, madalas na ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan sa Maynila. Marami po kasing mga pangyayari na may kaugnayan sa pagkakamit natin ng kalayaan nana naganap sa Maynila at sa mga karatig nitong lugar,” sabi ni Aquino.

Aniya, sa susunod na taon nakatakdang ganapin ang ika-118 anibersaryo ng Independence Day sa Dipolog City.

Read more...