TINAPOS ni Marella Vania Salamat ang walong taong paghihintay na magkaroon uli ng ginto ang Pilipinas sa women’s cycling nang pagwagian ang individual time trial (ITT) sa pagsisimula ng cycling sa 28th Southeast Asian Games kahapon sa Singapore.
Ipinakita ni Salamat na hindi hadlang ang pagiging isang 21-anyos na bagito sa SEA Games para makuha ang ginto nang naorasan ng 44 minuto at 46.38 segundo sa 30-kilometer event sa patag na ruta sa Marina Bay.
Tinalo ni Salamat, na dating bowler at ngayon ay isang dentistry proper sophomore sa University of the East, ang
30-anyos na si Chanpeng Nontasin ng Thailand (45:32.34) at Chan Siew Kheng ng Singapore (47:44.91).
Si Nontasin ay ITT gold medalist noong 2011 Indonesia Games habang si Chan ang siyang nagdedepensang kampeon ng event.
“Nagbunga ang lahat ng intensive training na ginawa namin sa Pilipinas,” wika ni Salamat na nagsimulang magbisikleta dalawang taon lamang ang nakalipas.
Noong 2007 sa Thailand huling nanalo ang Pilipinas sa women’s cycling na hatid ni Marites Bitbit sa massed start.
Ang panalo ni Salamat ang natatanging gintong medalya na nakuha ng Pilipinas dahil naisuko ni Mark Galedo ang titulo sa men’s individual time trial at natalo ang men’s 4x400m relay team sa athletics.
Si Galedo ay naorasan ng 56:21.59 sa 40km karera para tumapos lamang sa ikaanim na puwesto.
Gahibla naman ang pagkatalo ng dating kampeon na Pilipinas sa Thailand sa 4x400m relay para maputol ang paghahatid ng gintong medalya ng athletics team.
May 3:06.84 tiyempo ang koponang pinangunahan ni Archand Christian Bagsit at naungusan sila ng Thailand na may 3:06.81 tiyempo.
Pilak lamang ang nakuha rin ni Mervin Guarte sa 1,500m event, si Riezel Buenaventura ay may tanso sa women’s pole vault habang sina Fil-Am Caleb Stuart at Tyler Ruiz ay hindi tumimbang sa discus throw at high jump sa kalalakihan.
May 22 ginto, 24 pilak at 39 tansong medalya ang Pilipinas pero bumaba ito sa ikaanim na puwesto.
Ang Indonesia ang kumuha uli ng ikalimang puwestso sa 27-32-46 medal tally pero lamang ang bansa ng 11 ginto sa Myanmar na nasa ikapitong puwesto sa 11-21-25 medal tally.
Angat pa rin ang host Singapore sa 62-56-66 pero dumidikit ang Vietnam at Thailand.