HINDI dapat ikabahala ng publiko ang napaulat na may nakapasok sa bansa na mag-asawang South Koreans na kapwa high risks sa Middle East Respiratory Syndrom Coronavirus o Mers-Cov.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Health Sec. Janette Garin na ang mag-asawang Koreans ay hindi naman nag-positibo sa Mers-Cov. Maliban dito, hindi rin sila nagpakita ng sintomas ng nasabing sakit hanggang sa sila ay makalabas ng bansa.
Tiniyak naman ni Garin na matinding pag-iingat na ang ginagawa ng Pamahalaan para maiwasang magkaroon ng Mers-Cov case sa Pilipinas.
“Negatibo po ang mag-asawa sa Mers, hindi po sila nag-positibo at wala po silang sintomas. Ang Mers-Cov naman po ay hindi airborne,” ayon kay Garin.
Umapela rin si Garin sa publiko lalo na sa mga galing sa ibang bansa at bumabalik ng Pilipinas na maging tapat sa pagdedeklara ng kanilang health condition.