HINDI pa rin nawawalan ng pag-asa si Vice President Jejomar Binay na siya ang ieendorso ni Pangulong Aquino para maging pambato ng administrasyon sa darating na 2016 presidential elections.
Sa isang media forum sa Luneta Hotel, sinabi ni Binay na ang pag-endorso ni Aquino sa kanya ay nangangahulugan ng boto.
“Lahat ng dagdag boto, inaasahan. Nandun ang paniniwala ko na kokonsiderahin ako,” pahayag ni Binay.
“Basta hanggang sa huling sandali ako ay umaasa (ng endorsement ni Pangulong Aquino), dagdag pa nito.
Naniniwala rin si Binay na walang epekto sa rural areas ang umano’y mga akusasyong ibinabato sa kanya, at nanatili siyang suportado ng mga ito.
Hindi rin umano mahalaga sa kanya ang mga survey dahil ang naiimpluwensiyahan lang nito ay ang mga tao mula sa urban areas.
“Tingnan ninyo ang naiimpluwensiyahan ng media ay urban. Ang rural, sabi ‘di totoo iyan, pulitika lang iyan,” ayon pa sa pangalawang pangulo.
Sa huling survey ng Social Weather Station at Pulse Asia, bagamat malaki ang binaba sa rating ni Binay, nanatili naman siyang nangunguna sa hanay ng mga potensyal na tumakbo sa pagkapangulo sa 2016.