Hindi na kokontra si Daniel Padilla kung magdesisyon ang kanyang inang si Karla Estrada na ituluy-tuloy na ang pagbabalik-showbiz.
Ayon kay Daniel nang makachikahan ng ilang entertainment reporter sa presscon ng kanyang next major concert na “Most Wanted”, suportado niya si Karla sa mga susunod na gagawin nito bilang singer at aktres.
Nakikita raw kasi niya na masaya ang kanyang ina sa mga ginagawa nito at talagang mahal na mahal nito ang showbiz. Yun naman daw ang mahalaga sa buhay, hangga’t gusto mo ang ginagawa mo at nag-eenjoy ka nang bonggang-bonga, go lang nang go.
Anyway, todo-todo ang pasasalamat ni Daniel sa patuloy na pagsuporta ng madlang pipol sa Pangako Sa ‘Yo nila ni Kathryn Bernardo.
Inulit ni DJ na hindi na lang sila nagpapaapekto ni Kathryn sa pressure dahil nga napakalaki ng proyekto nila ngayon, “Sabi ko nga dati, hindi kailangang pantayan, hindi kailangang higitan.
“Bakit mo kakalabanin? E, kakampi mo nga ‘yon dahil ‘yon ang nire-remake mo. Ang kailangan mo na lang ay galingan at gawin mo na lang kung gaano na kaganda yung ginawa nila dati,” ani Daniel.