MIXED ang reaksiyon ng mga manonood sa unang paglabas nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa remake ng Pangako Sa ‘Yo noong Biyernes ng gabi sa ABS-CBN.
As expected, naging top trending topic na naman ang nasabing “balsa” episode (hashtag #PSYYnaAtAngelo) ng serye kung saan napanood ang unang pagkikita ng mga karakter nina Daniel at Kathryn bilang sina Yna at Angelo habang sabay silang naliligo sa isang ilog.
Ito rin yung eksena kung saan iihi sana si Daniel mula sa balsa pero na-shock nang makita si Kathryn sa kanyang harapan kaya biglang nahulog sa balsa. Agad na tinulungan ni Yna si Angelo na makaahon mula sa tubig sa pag-aakalang nawalan ito ng malay.
Habang ginigising ang binata inilapit nito ang kanyang mukha sa dibdib ni Daniel para pakinggan kung tumitibok pa ang puso nito. Ang hindi niya alam gising na ang binata at nangingiting pinagmamasdan lang siya.
At dahil diyan nagtapos ang eksena noong Biyernes, bitin na bitin siyempre ang mga loyalistang KathNiel fans. But of course, napanatili pa rin nila ang pagiging number one topic sa social media ang nasabing serye noong Friday night matapos na namang bumaha ng mga comments tungkol kina DJ at Kath.
Pero mas marami kaming nabasang mensahe patungkol kay Daniel, ayon sa ilang netizens, napatunayan ng binata na hindi na niya kailangang magkaroon ng maraming abs at muscles para lang pakiligin ang viewers.
“Meron talaga siyang karisma na hindi mapapantayanan ng kahit sinong young actor. Kahit na wala siyang six-pack abs at nagmumurang muscles, kuhang-kuha pa rin niya ang kiliti ng viewers, lalo na ng mga girls and beki! Siya lang ang may sex appeal na ganu’n!” sabi ng isang nakapanood ng “balsa” episode ng PSY.
Sabi naman ng isa, “Sa isang simpleng eksenang ‘yun, trending na agad worldwide! Ibang klase talaga ang KathNiel! Kayo na! Sana lang ma-maintain ang ganda ng cinematogtaphy at ang husay ng bawat karakter sa kuwento! Congrats sa lahat ng members ng cast at sa buong production!”
Pero kung maraming pumuri sa Teen King and Queen, meron ding mga negative comments mula sa manonood. Partikular na pinansin ng ilang viewers ang personalidad ni Kathryn bilang si Yna.
Kung ikukumpara raw kasi noon kay Kristine Hermosa na siyang gumanap na original Yna Macaspac, mas virginal at mas innocent looking daw ang misis ni Oyo Sotto.
Para raw kasing may kulang kay Kathryn. Though sinabi nilang magaling ding aktres ang Teen King parang may hinahanap pa silang “something” na tumatak kay Kristine noon na wala sa dalaga.
Well, nagsisimula pa lang naman ang Pangako Sa ‘Yo, at first time pa lang lumabas ang karakter ng dalawang Kapamilya stars kaya maaga pa para husgahan natin sila. Baka naman sa susunod nilang mga eksena ay mapabilib na nila kayo.
Samantala, ipinakilala na rin noong Biyernes ang mga bagong karakter sa serye tulad nina Amy Austria at Ronnie Lazaro, ang mag-asawang umampon kay Kathryn, si Sunshine Garcia na kinainisan agad ng KathNiel fans dahil sa ginawa nitong pagsabunot kay Kath at si Joem Bascon, ang kinalakihan niyang kuya na tila may masamang balak sa kanya.