Kaya pala disiplinadong bata itong si Mark Neumann ay dahil busog na busog siya sa pangaral at gulpi ng tatay niyang Pinoy noong nasa Germany siya.
“Noong bata pa po talagang nasisinturon ako ng tatay ko kasi makulit ako, lagi po akong may kotong kapag hindi ako umuuwi sa oras, may curfew ako, 6 p.m., minsan umuuwi ako 7 na, hayun, may kotong ako o kaya sinturon,” kuwento ni Mark.
Never din daw siya sumagot ng pabalang sa ama, “Ay hindi po, kasi tama naman siya, siguro po kung hindi ako dinisiplina ng daddy ko, baka siguro matigas ang ulo ko o may nangyaring iba na sa akin.
Naiisip ko po na it’s for my own sake naman kaya ako napapalo.” At ngayong nasa Pilipinas na siya ay mahigpit din ang kanyang tiyuhin na nag-aaruga sa kanya, “Sabi po ni tito (Gio), bawal akong gumimik o lumabas pag hindi naman kailangan,
I’ll stay na lang sa house. Sabi po niya, ‘wag daw akong pakalat-kalat para hindi magsawa ang tao, dapat ‘yung pag nakita ako, laging bago sa tingin nila.
“I don’t smoke po, minsan umiinom din ng brandy. Pero hindi po ‘yun madalas, with my cousins lang sa bahay, hindi po sa labas ng bahay para walang gulo. Kasi sabi po ng tito ko, pag uminom ako sa labas at may makakita, iba na ang iisipin o pag-uusapan,” kuwento ni Mark.
Isa rin sa ipinagbawal ng mahigpit niyang tiyuhin ay ang magseryoso sa relasyon, “Bawal po kasi, ayaw ni tito. Sabi po niya, mag-concentrate muna ako sa career ko at mag-ipon muna.
Puwede na akong mag-girlfriend when I’m 25, I’m 20 years old now, so 5 years pa.” Hindi pa naman daw naghahanap ng girlfriend si Mark pero ang showbiz crushes niya ay sina Alice Dixson na nakasama niya sa TV series na Lady Next Door na unang naka-kissing scene niya sa telebisyon at ang leading lady niyang si Shaira Mae.
Wala naman din daw planong ligawan ni Mark si Shaira Mae dahil may kasintahan na ito (si Edgar Allan Guzman).Ang tipo niya sa babae, “Simple po at morena, ayoko na ng tisay or maputi, kasi everywhere ka tumingin, lahat tisay o maputi, e, gusto ko naman morena,” sagot ng binata.
Beinte anyos na si Mark kaya natanong namin kung virgin pa siya na ikinabigla ng binata, “Ano ba naman ‘yan, ate, nakakatakot naman tanong mo? Kasama po ba ‘yan?”
Aliw na aliw kami kay Mark dahil para siyang kandilang nauupos sa hiya, umiling siya sa amin at umaming, “Hindi na po,” mahinang sagot ni Mark.
Sa Germany ba nangyari o dito sa Pilipinas? “Dito po, ipinakilala lang po,” nahihiyang sagot ulit sa amin. At kung hindi kami nagkakamali ay sa inuman nilang magpipinsan ito nangyari, sa madaling salita ay pinabinyagan siya.
Samantala, sa set visit ng Baker King na ginanap sa Kamuning Bakery Café na pag-aari ni Wilson Flores ay nagpakitang-gilas si Mark sa pagmamasa ng harina para gawing pandesal.
Pawis na pawis ang aktor kaya tinanggal niya ang baker’s hat. “Ang guwapo ni Mark oh, tingnan mo,” ang sabi mismo sa amin ng isang TV5 executive.
Ito siguro ‘yung sabi ni Ms. Wilma Galvante na ang ganda ng rehistro ni Mark sa TV kaya bumagay sa kanya ang Baker King role. Nag-workshop si Mark sa NBC School of Bake and Decorating sa Marikina City kay Chef Jun Florendo bilang paghahanda sa papel niya sa Baker King.
Ginagampanan ni Mark sa serye ang papel na Tak Gu na pumunpuno ng hinanakit sa buhay dahil sa paghahanap sa nanay niya at sa mga naranasang hirap sa mga taong nagpalaki sa kanya.
Samantala, sa nakita naming reaksyon ng mga taga-TV5 ay gustung-gusto nila si Mark dahil napakabait daw na bata at laging maaga sa set.
Samantala, tinanong uli namin si Mark kung may isyu ba sila ni Vin Abrenica na naghangad din sa papel na Baker King, “Ay okay po kami ni Vin, bago pa man nagkaroon ng isyung ganyan, okay na okay kami and up to now, wala naman po kaming problema,” mabilis na sagot ni Mark.
At ang reaksyon ni Mark na siya ang next Derek Ramsay sa TV5, “Flattered. Siyempre, si Kuya Derek ‘yan, eh, tapos sasabihin nila na ganyan, it’s a big compliment, ‘di ba? So, thank you,” masayang sagot ng aktor.