Daniel ayaw payagan ang bunsong kapatid na mag-artista

daniel padilla

KUNG paninindigan ni Daniel Padilla ang kanyang desisyon, mukhang imposible ngang mangyari ang gusto ni Kris Aquino na magsama sa isang pelikula ang anak niyang si Bimby at bunso ni Karla Estrada na si Carmela.

Ang gusto kasi ng TV host-actress ay ang bunsong kapatid ni Daniel ang makatambal ni Bimby sa gagawin nitong pelikula na balak sana nilang isali sa darating na 2015 Metro Manila Film Festival.

Pero kahapon sa presscon ng next major concert ni Daniel sa MOA Arena, ang “Most Wanted”, sinabi ng Teen King na kung siya ang masusunod, hindi niya gustong mag-artista si Carmela sa edad nito ngayon.

Mas gusto ni DJ na mag-aral muna ang kapatid at makapagtapos. “Gusto ko kapag nag-artista siya, yung mature na siya, yung naiintindihan na niya ang ginagawa niya,” matipid na reaksiyon ng binata.

Pero aniya, natutuwa siya sa sinabi ni Kris na pwedeng maging next KathNiel sina Bimby at Carmela. Pero yun nga lang, hindi siya pabor na pasukin na ng kapatid ang showbiz sa murang edad nito.

Samantala, siniguro naman ni DJ na ibang-iba ang “Daniel Most Wanted” sa mga nauna niyang concert, na gaganapin nga sa MOA Arena sa June 13. Mas intimate, mas personal at mas mapuso raw ang concert niya ngayon.

Medyo mga crooner classic at most requested hits daw ang maririnig ng kanyang fans sa show, tulad ng kanta ni Frank Sinatra na “Come Fly With Me”, “How Sweet It Is (To Be Loved By You)” ni James Taylor at “Knocks Me Off My Feet” ni Stevie Wonder.

Makakasama ni DJ sa “Most Wanted” bilang special guests sina Gary Valenciano, Kyla, KZ Tandingan, Morisette, Harana Boys, at ang Your Face Sounds Familiar grand finalists na sina Nyoy Volante at Edgar Allan Guzman.

Umaasa si DJ na maibibigay niya ang lahat ng inaasahan ng kanyang mga tagasuporta sa “Most Wanted” kaya kakaririn daw niya ang bawat production number na gagawin niya sa show.

Sey pa ng Teen King sana raw ay mabigyan siya ng sapat na pahinga para bongga ang energy niya sa gabi ng concert. Sa produksiyon ng ABS-CBN Integrated Events at Star Event, maaari kayong bumili ng ticket sa Mall Of Asia, SM Tickets at SM Cinema, 470-2222. For inquiries, visit www.facebook.com/starrecordphil.

Para naman sa mga fans ni Daniel sa mga probinsiya na hindi makakapunta ng Manila, maaari n’yo pa rin itong mapanood live via satellite sa piling SM cinema sa June 13, partikular na sa SM Davao, Cebu, Cabanatuan, Pampanga, Dasmarinas, Iloilo at Naga. Mabibili ang ticket sa halagang P250 each.

Bukod dito, maaari ring mag-avail ng live pay per view ang mga SkyCable subscribers sa Metro Manila, Laguna, Rizal, Bacolod, Dumaguete at General Santos City. Bongga, di ba? Parang lumelebel lang sa mga laban ni Manny Pacquiao ang concert ng Teen King.

Samantala, nang tanungin si Daniel kung magkakaroon ng special participation ang rumored girlfriend niyang si Kathryn Bernardo sa kanyang concert, “Sorpresa na lang yun sa lahat ng manonood.

Pero sa pagkakaalam ko, gusto niya nasa audience lang siya, gusto niya manonood lang siya. Pero tingnan natin, basta surprise na lang yan.”

Siyempre, abot-langit din ang pasasalamat ni Daniel sa lahat ng mga Pinoy na tumututok gabi-gabi sa serye nila ni Kathryn sa Primetime Bida na Pangako Sa ‘Yo. Nangako ang aktor na mas lalo pa nilang pagbubutihin ang trabaho nila para mas mapasaya ang kanilang mga tagasuporta.

Aniya, kasisimula pa lang last week ng PSY pero ang dami-dami nang nangyari, at mas magugulat daw ang viewers sa mga susunod na episode ngayong nagkita na ang karakter nila ni Kathryn sa serye – sina Yna at Angelo.

Bukod daw sa mga eksena nila ni Kath sa serye, dapat din daw abangan ng viewers ang mga madadramang tagpo ng karakter niya at ng magulang niya sa kuwento na sina Ian Veneracion at Angelica Panganiban.

Read more...