Cavaliers tinisod ng Warriors sa Game 1
OAKLAND, California — Binalewala ng Golden State Warriors ang matinding laro ni LeBron James para talunin ang Cleveland Cavaliers sa overtime, 108-100, kahapon at kunin ang opening game ng 2015 NBA Finals sa larong ginanap sa Oracle Arena.
Nakapasok sa NBA Finals sa unang pagkakataon matapos ang 40 taon, bumangon ang Warriors mula sa maagang 14-puntos na paghahabol, pinaiskor ng Finals personal-best 44 puntos si James at napigilan ang Cleveland sa ekstrang limang minuto sa pangunguna ni league MVP Stephen Curry.
“It was just a classic five minutes that we needed to get that win,” sabi ni Curry patungkol sa overtime.
Tumira si James ng 18 of 38 mula sa field at nag-dagdag ng walong rebounds at anim na assists sa 46 minutong paglalaro.
Subalit sumablay ang four-time MVP sa kanyang long jumper sa huling mga segundo ng regulation na nagbigay sana sa kanyang koponan ng panalo sa regulation. Sumablay din ang Cleveland sa kanilang unang walong tira sa overtime.
Nadagdagan pa ang kamalasan ng Cavs nang si All-Star point guard Kyrie Irving ay paika-ikang lumakad patungo ng locker room matapos na manakit ang kanyang kaliwang hita sa overtime at hindi na nakabalik sa laro.
Hindi na nakapaglaro si Kevin Love para sa Cavs matapos magkaroon ito ng shoulder injury sa kanilang first-round series kontra Boston Celtics at siguradong mahihirapan silang lalo kung hindi makapaglalaro si Irving sa Game 2 na gaganapin ngayong Lunes sa Oakland.
“You can see in the tone of my voice I’m a little worried,” sabi ni Irving, na umalis ng Oracle Arena na nakasaklay.
Sinabi naman ni Warriors coach Steve Kerr na umaasa siyang makapaglalaro pa si Irving sa serye.
“I mean that,” sabi ni Kerr. “You probably don’t believe me, but I mean that.”
Nagkaroon ng 13 palitan ng kalamangan at 11 pagtatabla sa laro na naging mahigpitan hanggang sa stats sheet. Konti lang kasi ang kanilang diperensiya pagdating sa shooting (Warriors 44.3 percent, Cavaliers 41.5 percent), rebounding (Warriors 48, Cavaliers 45) at assists (Warriors 24, Cavaliers 19).
Sa pagwawakas ng laban sa pagitan ng top teams sa NBA ang kanilang mga star players ang siyang bumida.
Si James at ang kasalukuyang season MVP na si Curry, na nagtala ng 26 puntos at walong assists sa laro, ay parehong binuhat ang kanilang mga koponan hanggang sa ikaapat na yugto kung saan nagpalitan sila ng puntusan at nagbigay ng assists sa kanilang duwelo.
Ang dalawang NBA superstars ay nagkaroon din ng pagkakataong ipanalo ang laro para sa kanilang koponan sa mga huling segundo ng regulation.
Tabla ang iskor sa 98-all, nakalusot si Curry kay Irving at sumalaksak para sa isang baseline layup. Subalit nasupalpal ni Irving ang tira ni Curry bago nahablot ni J.R. Smith ang rebound. Agad namang tumawag ang Cavs ng timeout may 24.1 segundo ang nalalabi sa laro.
Halos inubos ni James ang oras bago sumablay sa kanyang jump shot sa loob ng left arc. Nakuha ni Iman Shumpert ang rebound at bumato ng desperation shot na tumama sa rim sa pagtunog ng buzzer.
Hindi naman nagawang makalapit ng Cavs sa overtime bunga na rin ng inalat nilang opensa.
“I got to where I wanted to get, step back, made them before,” sabi ni James. “It’s a make or miss league, and we had our chances.”
Nakapagbuslo si James ng game-winning triple sa harap ni Warriors swingman Andre Iguodala dalawang seasons na ang nakalipas para sa Miami Heat subalit sa pagkakataong ito ay napigilan na siya ni Iguodala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.