Binay-Erap sa 2016?

Binay-Estrada-06052015

SINABI kahapon ni Vice President Jejomar Binay na kinukonsidera niya si dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada bilang kanyang bise presidente sa 2016 elections.

Tumakbo sina Estrada at Binay noong 2010, bagamat natalo ang dating pangulo kay Pangulong Aquino, samantalang nanalo naman si Binay laban sa ka-tandem ng huli na si Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II.

“Hindi na Erap-Binay, Binay-Erap na. ‘Yun, ang tawag doon “BEST”. Alam mo anong “BEST”? BINAY-ESTRADA,” sabi ni Binay.
Kinumpirma ni Binay na nagkita sila ni Estrada noong Mayo 31, ngunit sinabing hindi pa nila napag-usapan ang posibleng tandem sa 2016.

Ngunit nang tanungin kung kabilang si Erap sa kanyang kinukonsidera bilang bise presidente, sinagot ito ni Binay ng, “Oo. We have a search committee na talagang naghahanap ng magiging katambal ko.”

Naniniwala rin si Binay na bukas si Estrada sa ideya na maging kanyang running mate.

Sinabi pa ni Binay na hindi totoo ang naunang mga lumabas na mahihirapang magdesisyon si Estrada sakaling kapwa tumakbo si Binay at Sen. Grace Poe bilang presidente.
“Luma na ‘yang sinasabi mo. Ang sinabi ni President Erap, ‘pagka siya ay kuwan, ‘pagka si…’di bale na,” aniya.

“Ang talagang sinabi niya kami ay magkakasama sa eleksyon sa 2016,” giit pa ni Binay.

Read more...