San Miguel Beer asinta ang ika-6 sunod panalo

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska Milk vs KIA
7 p.m. NLEX vs San Miguel
Team Standings: Barako Bull (5-1); San Miguel Beer (5-2); Alaska (4-2); Globalport (4-3); Meralco (4-3); KIA (3-2); Talk ‘N Text (3-3); Brgy. Ginebra (3-4); NLEX (2-4); Star Hotshots (2-4); Rain or Shine (2-4); Blackwater (1-6)

PUNTIRYA ng San Miguel Beer ang ikaanim na sunod na panalo kontra NLEX sa 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon, pipiliting makabawi ng Alaska Milk at KIA Carnival sa pagkatalong sinapit sa huling laro nila sa kanilang salpukan.

Matapos na matalo sa unang dalawang laro nila ay tila nagbalik ang championship form ng Beermen na nagwagi sa sumunod na limang laro. Huli nilang tinalo ang Barangay Ginebra, 100-85.

Pinatid naman ng NLEX  ang kanilang two-game losing skid nang tambakan nito ang Alaska Milk, 113-102, noong Martes. Umakyat ang Road Warriors sa 2-4.

Biglang tumaas ang antas ng laro ni NLEX import Kwame Alexander nang mapabalitang dumating sa bansa ang dating import ng Barako Bull na si Josh Dollard. Laban sa Aces, si Alexander ay nagtala ng 26 puntos kabilang na ang 11 sa ikaapat na yugto at humugot ng 11 rebounds.

Matindi rin ang nakuha ng NLEX buhat sa Asian reinforcement na si Michael Madanly na nagtala ng PBA career-high 28 puntos bukod pa sa siyam na rebounds at limang assists.

Sina Alexander at Madanly ay sinusuportahan nina Paul Asi Taulava, Enrico Villanueva, Jonas Villanueva, Mark Cardona at Niño Canaleta.

Ang Beermen ay pinamumunuan ni Arizona Reid na tinutulungan naman nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at Chris Lutz.

Bunga ng kabiguan sa Road Warriors ay hindi nakasosyo ng Aces sa unang puwesto ang Barako Bull at lumagpak sila sa 4-2.

Ang KIA ay galing naman sa 89-80 pagkatalo sa nagtatanggol na kampeong Star Hotshots sa Angeles University Foundation gym sa Angeles City, Pampanga noong Sabado Bumagsak ang KIA sa 3-2.

Ang Aces ay sumasandig sa import na si Romeo Travis na nakakatuwang nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Joaquim Thoss at Dondon Hontiveros.

Ang KIA ay pinamumunuan ng 7-foot-1 Senegalese import na si Hamady N’Diaye at Asian reinforcement Jet Chang. Sila ay sinusuportahan nina LA Revilla, Leo Avenido, Rich Alvarez, Mark Yee at Alex Nuyles.

Read more...