MULING nagbabala si Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration hinggil sa mga job order na pino-post sa social media gaya ng Facebook at Twitter.
Napakalayo na nga ng inungos ng samu’t-saring mga estilo ng panloloko ngayon gamit ang makabagong teknolohiya.
Kung dati, kailangan pang may mga mga taong mag-aalok ng trabaho, kailangan niyang makipagkita sa kanyang mga biktima kahit saang lugar para doon ito gantsuhin.
May 18 taon na ang nakakaraan nang tagurian ng Bantay OCW ang ganitong modus operandi bilang KKK.
Sila ang mga kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, kabarangay, kababaryo, kaklase, kumpare, kumare, at mga katong-its.
Siyempre nga naman, sa mga nabanggit, iisa lamang ang maaaring taglayin nito upang makalapit sa kaniyang potensiyal na biktima: tiwala.
Ang daming naloko ng mga KKK. Ang mga biktimang ito ay pawang nagbigay ng tiwala sa mga taong nag-alok sa kanila ng trabaho patungo sa ibayong dagat. Marami sa kanila ang halos hindi na nagsumbong o natagalan magsumbong dahil hindi sila makapaniwala na sila ay naloko ng mga KKK.
Ganito pa ang mga dialogue noon: “Hindi naman niya maaaring gawin sa akin ‘yun, matagal na kaming magkaibigan” o “Tataluhin pa ba niya ako, kamag-anak namin siya?” o “Tiwalang-tiwala ako sa kumpare ko! Malabong lokohin ako nun. Matagal na kaming magkakilala.”
Ganyan ang sitwasyon noon, pero iba na ngayon.
Hindi na kailangan ng KKK o tiwala dahil may kapartner na sa panloloko ang mga illegal recruiter. Ito ang Internet. Lalo pa’t ito ang panahon na para bang hindi na mabubuhay ang tao na hindi “konektado.” Palaging may bitbit na electronic gadget sa katawan. Biro pa nga namin, para bang lahat yata ng tao ngayon biglang naging mga manunulat. Paano naman kahit saan naroroon, bising-bisi! Tutok lahat sa kanilang mga gadget.
At dahil hi-tech na nga ngayon, wala ka nang kamalay-malay na nare-recruit ka na pala ng katabi mo o kaharap mo nang walang usapan.
May nakitang job order online. kinontak agad. Gamit ang credit card, nagbayad din online. Hayun, naloko na! Ganyan kabilis ngayon ang illegal recruitment. Hindi na kailangan magkita-kita. Wala nang personalan, ika nga.
Sana maging matalino at patuloy na mag-ingat ang ating mga kababayan sa pamamagitan nang palaging nagsususpetsang maaaring lokohin lamang sila ng mga alok na ito online.
Simple lang ang dapat gawin: Huwag basta-basta paniwalaan ang mga alok na trabaho sa online.
Mag-check muna sa POEA. Gamit din ang inyong mga gadget, puwede namang online rin na malalaman ninyo kung totoo o hindi ang naturang mga alok.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Maaaring tumawag sa Helpline: 0927.649.9870; maari ring bisitahin ang bantayocwfoundation.org , at mag-email sa bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com