MAY mga kongresista na pumalag sa balita na “nagkaayusan” para maipasa ang batas na bubuo sa Bangsamoro Region.
Ayon sa lumabas na balita, milyon-milyon piso raw ang kapalit ng boto pabor sa Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region.
Pero dali-dali itong pinalagan nina House majority leader Neptali Gonzales II at Cavite Rep. Elpidio Barzaga. Kahit si Speaker Feliciano Belmonte Jr. ay sinabing wala itong katotohanan.
Naghamon pa si Barzaga na magbibitiw bilang kongresista kung totoo na nabayaran siya para paboran ang BBL na ngayon ay BLBAR (pinalitan kasi ng ad hoc committee on BBL ang pangalan ng batas).
Ang pambayad ay kinuha umano sa isang Chinese crime lord. Ang Intsik ay hinuli umano ng Bureau of Immigration at pinasusuka ng milyon-milyong pera na siyang gagamiting panuhol sa mga kongresista.
Marami ang naniniwala na gustong takutin ng mga hindi pabor sa BLBAR ang mga pabor sa batas na lilikhain bilang resulta ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Gustong palabasin na kung bumoto ka pabor sa BLBAR, nabayaran ka.
Baka iniisip nila na malaking black eye kay Pangulong Aquino kung hindi maipapasa ang BLBAR. Baka may mga magalit sa kanya at mabawasan ang kanyang endorsement power sa 2016 presidential elections.
Kung hindi mo nga naman makukuha ang pag-endorso ni PNoy, sirain mo na lang siya para mawalan ng kwenta.
Nauna rito ay mayroon ding alegasyon na mayroong negosyanteng Malaysian na siyang financier ng mga pabor sa BLBAR. Ang kapalit umanong hinihingi ay huwag ng gumawa ng hakbang ang Pilipinas para bawiin ang Sabah.
Pero kung pakikiramdaman ang mga nangyayari at iuugnay ito sa alegasyon ng bayaran ay parang malabo. Bakit?
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa sigurado ang liderato ng Kamara de Representantes sa kanilang numero para maipasa ang BLBAR.
Kaya dahan-dahan lang ang usad ng BLBAR. Kung nagkabayaran na ay hindi siguro ganito.
May mga umaangal nga sa mga pinabibisita sa Malacanang. Pag-alis daw kasi nila ay wala silang bitbit na kahit ano. Hindi katulad noong nakaraan na mayroong paper bag na may bundle ng cash sa loob at pangakong proyekto.
Ngayon daw, pasasalamatan ka lang sa pagpunta.
Marami rin ang naniniwala na walang saysay ang pagmamadaling gagawin ng Kamara (kung nagmamadali na sila sa bagal na ito) dahil hindi naman nagmamadali ang Senado.
Kahit pa lumusot ang panukala sa Kamara, wala rin kung hindi naman ito aaprubahan sa Senado.
Marami ang mga senador na naninimbang kung susuportahan ang BLBAR o hindi.
Malapit na kasi ang eleksyon at nais nilang malaman kung maaapektuhan ba sila ng kanilang gagawing boto.
Kung boboto pabor, malamang ay suportahan ka ng mga Muslim na nagsusulong ng BLBAR. Kung hindi naman ang aasahan mong boto ay ang mga natulungan mo upang hindi ito maaprubahan.
Alin kaya ang mas maraming boto na maibibigay sa isang national candidate? Yung pabor o hindi.