Cagayan umusad sa semis; Jumbo Plastic humirit ng KO game

Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. Jumbo Plastic vs Hapee

UMABANTE na ang Cagayan sa semifinals nang matakasan nila ang AMA University, 107-103, sa overtime sa 2015 PBA D-League  Foundation Cup quarterfinals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sinandalan ng Rising Suns ang naglalagablab na opensa ni Don Trollano sa overtime para maisantabi ang palabang Titans.

Ang triple ni Jeremy King at layup ni James Martinez ang nagbigay sa Titans ng 103-100 kalamangan sa huling 1:48 ng laro.

Pero hindi na nakapuntos pa ang AMA habang nagpakawala ng 3-pointer, layup at free throws si Trollano para manalo ang Cagayan.

May 31 puntos si Trollano para sa nanalong koponan habang si King ay tumapos bitbit ang 40 puntos para sa namaalam na koponan.

Bago ito ay hiniritan ng Jumbo Plastic ng 87-83 panalo ang Hapee para manatiling buhay  ang paghahabol ng titulo.

Si Andre Avillanoza ay nakahirit ng 3-point play kay Troy Rosario bago kinuha ni Jiovani Jalalon ang pagbibida sa mga sumunod na tagpo para maisantabi ang 82-78 kalamangan ng Fresh Fighters sa huling 43 segundo.

Naagaw ni Jalalon ang pasa ni Ola Adeogun bago nagbigay ng assist kay Glenn Khobuntin para sa go-ahead basket, 83-82.

Dalawang free throws pa ang ibinigay ni Jalalon sa sumunod na play para tiyakin ang ikalawang panalo ng Jumbo Plastic sa Hapee.

Mapalad ang Aspirants’ Cup champion na Hapee dahil may twice-to-beat advantage sila kaya’t magkikita pa sila ng Jumbo Plastic sa Huwebes  para malaman kung sino sa kanila ang aabante sa Final Four

Read more...