WALANG kasalanan si John Lloyd Cruz kay Dingdong Dantes. At lalong hindi tama na akusahan ang Kapamilya leading man na mang-aagaw.
Ito’y may kinalaman nga sa pelikulang “Honor Thy Father” (dating Ponzi) na unang inalok kay Dingdong pero sa huli ay napunta nga kay Lloydie.
Inamin noon ng mister ni Marian Rivera na hindi niya alam na nagsimula na pala ang shooting ng nasabing pelikula at hindi na siya ang bida. Balitang magiging co-producer sana ang film outfit ni Dingdong na Agosto Dos Pictures sa pelikula kasama ang Reality Entertainment (pag-aari ni Dondon Monteverde) sa direksiyon ni Erik Matti.
Ang tatlong nabanggit na personalidad ang nasa likod ng “Aswang Chronicles” part 1 and 2 na parehong pinagbidahan ni Dingdong.
Noong makausap namin kamakailan si John Lloyd sa anniversary presscon ng Biogesic kasama ang ilan pang members ng entertainment media, nilinaw nito ang isyu, “Naku, ‘di ko alam na nai-offer din sa kanya.
“I guess I’m in no position to tell you kung ano yung naging pag-uusap. Just like him, in-offer lang din sa amin. Tsaka, matagal na siyang tapos, ‘di lang namin alam kung kailan ang magiging playdate, pero tapos na siya.
“Actually, we’re gonna have a private screening soon, pero para sa mga creators and colleagues pa lang,” esplika pa ng aktor. Samantala, sinabi ni Lloydie na kung mabibigyan siya ng chance, mas gusto niyang mag-produce ng mga makabuluhang pelikula kesa magdirek.
Pero aniya, hindi pa naman siya magre-retire sa pag-arte. “Na-express ko lang, more than directing, parang mas interesado akong mag-produce. Unang-una, parang mas lumalawak ang horizon para sa iyo kasi ‘di ka limited lang dun sa contribution mo bilang actor.
“With producing, definitely more challenging…pero iba rin yata yung satisfaction being able to produce a movie, a film, isang buo,” chika pa nito.
Hirit pa ng Box-Office King, “Ang trato ko sa trabaho ko is very organic. Gusto ko yung part na pag nangyayari siya, kahit naman sino sa atin gusto mo, gusto mo ang ginagawa mo.”
Nagpasalamat din si John Lloyd sa Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation dahil sa pagkakahirang sa kanya bilang Film Actor of The Year sa 46th Box Office Entertainment Award para sa pelikulang “The Trial”.
“Maraming salamat din po sa lahat ng mga taong naka-appreciate sa ginawa ko sa The Trial,” aniya pa.Pero nilinaw ng binata na hindi ang mga natatanggap niyang awards ang ginagamit niyang motivation para mas mapabuti pa ang kanyang trabaho, “Hindi siya source ng hard work.
It is something very inspiring, pero kasi once na nagtrabaho ka para sa award, parang medyo delikado yatang track yun.
“Hindi du’n nanggagaling ang energy to do more and to be more.
Pero malaking bahagi siya, para siyang the ultimate pat on the back para sa hard work mo, para sa dedication mo. “After all, kung walang pinanggagalingang something good, ano pang point, ‘di ba? Kaya nagpapasalamat ako everytime na nabibigyan tayo ng recognition,” sabi ng aktor.
Abangan n’yo raw ang susunod na show ni Lloydie sa ABS-CBN, “Mayroon kaming niluluto something for TV, pero ‘di teleserye. Hindi ko kasi alam kung dapat ko nang sabihin pero dapat nilang abangan sa TV very soon.
“Sana mai-mount namin as soon as possible. We’re very excited and sobra kaming thankful sa opportunities na dumarating sa amin ngayon work-wise.
Maraming arista ngayon, maraming bagong artista, pero marami ring trabaho ang naghihintay. “Para mabigyan ka ng opportunity na maging part ng sistema, actually create a difference.
Kasi siyempre, very personal naman ang ibibigay mo, ‘di naman kami parang makina lang. “So, kung anuman ang magiging proseso namin, we opt to make it worthwhile,” chika pa ng binata.
Sa huli, tiniyak ni John Lloyd na, “Wala naman akong maku-complain sa buhay ko ngayon, wala naman akong maisip na problema. Life is good so enjoy lang.
Nagpapasalamat lang ako sa mga walang katapusang opportunities na dumarating. Salamat,” pahabol pa ng aktor.