Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Rain or Shine vs Barako Bull
5:15 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra
Team Standings: Barako Bull (4-1); Alaska Milk (4-1); San Miguel Beer (4-2); Globalport (4-2); Talk ‘N Text (3-2); KIA Carnival (3-2); Meralco (3-3); Barangay Ginebra (2-3); Star Hotshots (2-4); Rain or Shine (1-3); NLEX (1-4); Blackwater (1-4)
MATAPOS ang siyam na araw na pahinga, balik-aksyon ang Rain or Shine na makakatunggali ng delikadong Barako Bull sa 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa alas-5:15 ng hapon na main game ay tutudlain ng San Miguel Beer ang ikalimang sunod na panalo kontra Barangay Ginebra.
Ang Elasto Painters ay galing sa back-to-back na laro sa Dubai, United Arab Emirates. Nagwagi sila kontra Globalport, 119-112, subalit natalo sa Barangay Ginebra, 93-81, upang bumagsak sa 1-3 karta at ikasiyam na puwesto.
Ang Barako Bull ay galing sa 116-113 pagkatalo sa San Miguel Beer. Doon nagwakas ang kanilan four-game winning streak.
Ang Rain or Shine ay pinangungunahan ng import na si Wendell McKines na sinusuportahan nina Gabe Norwood, Paul Lee, Ryan Araña, Beau Belga at JR Quiñahan.
Sumasandig naman ang Barako Bull sa import na si Liam McMorrow na tinutulungan nina Joseph Yeo, JC Intal, RR Garcia, Jake Pascual at Justin Chua.
Ang San Miguel Beer ay natalo sa unang dalawang laro nito subalit nakabangon mula roon. Bago dinaig ang Barako Bull, ang Beermen ay namayani kontra Rain or Shine (104-91), Globalport (124-102) at defending champion Star Hotshots (100-89).
Ang Barangay Ginebra ay may 2-3 record at galing din sa siyam na araw na pahinga buhat nang talunin ang Rain or Shine sa Dubai.
Ngayo’y nasa ilalim ng bagong coach na si Frankie Lim, umaasa ang Gin Kings na magiging title contenders din sila kung mabibigyan ng sapat na panahon ang kanilang coach.
Ang mga import ng Barangay Ginebra ay sina Orlando Johnson at Sanchir Tungalag. Katuwang nila sina Mark Caguioa, LA Tenorio, Solomon Mercado at nagbabalik na si Japeth Aguilar.
Samantala, dinaig ng Star Hotshots ang Kia Carnival, 89-80, sa kanilang PBA out-of-town game kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.
Gumawa si James Yap ng 23 puntos kabilang ang 4-of-4 3-point shooting para pamunuan ang Hotshots na umangat sa 2-4 karta matapos putulin ang kanilang four-game losing streak.
Si Marqus Blakely ay ay nagtapos na may 23 puntos at 11 rebounds para sa Hotshots.
Ang Kia ay pinangunahan ni Jet Chang na kumana ng 17 puntos habang si Hamady N’Diaye ay nagtala ng 13 puntos at 18 rebounds para sa Carnival na nalaglag sa 3-2 kartada.