IBF light flyweight title asinta ni Melindo

MATAAS ang kumpiyansa ni Filipino challenger Milan Melindo na madadale na niya ang mailap na kampeonato sa pagharap laban sa IBF light flyweight champion Javier Mendoza ngayon sa Campo Nueve Ensenada, Baja California, Mexico.

Noong Hulyo 27, 2013 ay nagtangka si Melindo na maging isang world champion pero lumasap siya ng unanimous decision pagkatalo sa isa ring Mexicano na si Juan Francisco Estrada para sa WBO at WBA flyweight titles.

“I feel great and I have no problem,” wika ng 27-anyos na tubong Cagayan de Oro City na may 32 panalo sa 33 laban, kasama ang 12 knockouts, sa press conference ng labanan.

Nakuha ng 5-foot-2 na si Melindo ang karapatang labanan si Mendoza matapos ang unanimous decision panalo kay Saul Juarez ng Mexico sa IBF title eliminator noong Nobyembre 15, 2014 sa Cebu City Waterfront Hotel sa Lahug, Cebu.

Mas may karanasan si Melindo kung pagsampa sa ring ang pag-uusapan dahil ang 24-anyos na si Mendoza ay mayroong 26 laban at 23 rito ay naipanalo, tampok ang 19 KOs.

Ito ang unang pagdepensa ni Mendoza sa titulong napanalunan kay Ramon Garcia Hirales noong Setyembre 20, 2014 at pinaghandaan niya ang title fight sa isang tune-up  laban kay Mauricio Fuentes noong Enero 10 na kanyang pinatulog sa ikalawang round.

Nagpahayag din si Mendoza ng pagrespeto kay Melindo pero kumbinsido rin na mananalo para mapasaya ang mga kababayan.

Read more...