MALAKING bilang ng mananakbo ang inaasahang tutugon sa paglarga ng PAL Manila Marathon sa Hunyo 14 sa Luneta Park sa Quirino Grandstand.
Ayon sa organizer at dating Manila Marathon runner Dino Jose, nakikita niya na papalo sa 2,000 ang mga tatakbo sa karerang katatampukan ng limang distansya.
Tampok na karera ay ang 42.195-kilometer full marathon habang ang iba pang distansya ay ang 21k, 10k, 5k at 3k.
“Patuloy ang pagtanggap ng registration ng mga sasali at may mga foreigners din na sasali. Inaasahan namin na magiging mahigpitan ang karera lalo na sa full marathon,” wika ni Jose.
Walang national team members ang kasali dahil kakampanya ang mga ito sa Singapore Southeast Asian Games ngunit positibo ang pananaw sa bagay na ito ni Jose dahil maaaring magpakilala ang ibang bata at mahuhusay na local marathoners sa kalalakihan at kababaihan.
Ang pinakamabilis na local runners sa magkabilang dibisyon sa 42.195-k race ay ipadaadala sa Virgin London Marathon sa 2016 habang ang mananakbo na makakasira sa 2:14:27 winning time na ginawa ni Waldemar Cierpinski ng Germany noong 1981 ay ipadadala sa 2016 Tokyo Marathon.
Sa ganap na ala-1:30 ng umaga magsisimula ang marathon habang ang 21k ay sa alas-2:30 ng umaga ilalarga. Ang 10k ay magsisimula sa ganap na alas-5:30 ng umaga at 10 minuto matapos nito ay itatakbo ang 5K at 3K runners.