Hotshots masusubok vs Carnival sa Angeles City

Laro Ngayon
(AUF Gym, Angeles City, Pampanga)
5 p.m. KIA vs Star Hotshots
Mga Laro Bukas
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Rain or Shine vs Barako Bull
5:15 p.m. San Miguel Beer vs Brgy. Ginebra

HANGAD ng nagtatanggol na kampeong Star Hotshots na wakasan ang four-game losing skid nito sa salpukan nila ng expansion team KIA Carnivals sa isa na namang 2015 PBA Governors’ Cup out-of-town game mamayang alas-5 ng hapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.

Ang Hotshots ay may 1-4 record at katabla ng NLEX para sa ikasampung puwesto. Ang NLEX ang tanging koponang tinalo ng Star, 89-85, noong Mayo 9.

Pagkatapos ng panalong iyon ay natalo ang Hotshots sa sumunod nilang apat na laro.

Sinimulan naman ng KIA ang kampanya nito sa pamamagitan ng 83-78 panalo kontra San Miguel Beer bago napayuko ng Barangay Ginebra, 105-98. Matapos iyon ay nagwagi ang Carnival kontra NLEX, 85-82, sa last second three-point shot ni Hyram Bagatsing bago nalusutan ang kapwa expansion team Blackwater Elite, 83-76, sa double overtime.

Hindi puwedeng maliitin ng Hotshots ang Carnival dahil sa nakaraang Commissioner’s Cup ay dinaig sila ng KIA, 95-84, noong Pebrero 18.

Ang Hotshots ay hindi nakakakuha ng mga impresibong numero sa import na si Marqus Blakely. Bukod dito, ang mga locals ay inconsistent. Umaasa si coach Tim Cone na magkakaroon na ng breakout game ang mga starters niyang sina James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca at Peter June Simon.

Ang KIA ay pinamumunuan ng 7-foot-1 Senegalese import na si Hamady N’Diaye at Asian reinforcement Jet Chang. Sila ay sinusuportahan nina LA Revilla, Leo Avenido, Rich Alvarez, Mark Yee at Alex Nuyles.

Samantala, tinambakan ng Meralco ang Blackwater, 87-72, sa kanilang laro kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumana si Andre Emmett ng 17 puntos para pamunuan ang Bolts na umangat sa 3-3 kartada.

Balik sa Smart Araneta Coliseum ang aksyon bukas kung saan magtatagpo ang Rain or Shine at Barako Bull sa ganap na alas-3 ng hapon.

Susundan ito ng salpukan ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Read more...