KUNG noon ay matinding panlalait ang inani ni MMDA Chairman Bayani Fernando nang buhatin at puwersahang palayasin niya ang mga iskwater sa gilid ng mga ilog at estero, lalo na sa Pasay kung saan ang isang mataas na opisyal ng lungsod ay nakisali rin sa panlalait, at tawagin siyang berdugo, sa malaking aral na iniwan ni Ondoy, inalis na ang bansag na yan.
Nakisawsaw ang mga kulang sa pansin na mga politiko sa Kamara at Senado sa panlalait ng mga iskwater at sumama na rin sila sa pagbansag ng berdugo kay Fernando, hanggang sa makarating sa pagtawag ng legislative inquiry in aid of legislation.
Berdugo ang tawag nila sa nagpapairal ng kaayusan at kaligtasan sa mga ilog at sapa. Para sa bantog na urban planner na si Jun Palafox, sa kanyang pag-aaral na ginawa noong Dekada ’70, di dapat manirahan sa tabing ilog at sapa sa simpleng dahilan na daluyan ito ng tubig, may bagyo man o baha.
Nasa kasaysayan na, na dahil sa katigasan ng ulo, marami ang namatay sa mga naninirahan sa tabing ilog at sapa. Napatunayan na, na di dapat manatili dito ang tao o anumang istruktura.
sino ngayon ang berdugo?
BANDERA Editorial, 100709