Alak at Shabu

YAN ang nadiskubre ng mga gurong naglinis ng isang public elementary school sa Marikina, na mahigit sanlinggong ginawang bakwitan ng mga binaha ng bagyong Ondoy. Mga basyong bote ng Emperador, Generoso, Matador at GSM Blue (kailangang banggitin ang mga ito dahil ito nga ang ebidensiya) ang natagpuan sa mga sulok ng silid, ilalim ng desk at mga aparador (hindi kasi mabuhat ang mga aparador kaya di naiuwi ng mga bakwit ang mga gamit na ito, limas lahat ang mga basurahang plastic sa mga rooms, nawawala ang mga walis, o kundi sinira, pati mga picture frames). May ilang tin foil din ang natagpuan (bagaman ayaw ng mga guro na kumpirmahin na nag-shabu ang mga bakwit, dahil awtoridad lamang ang puwedeng gumawa nito). Saan nga ba ginagamit ang tin foil? Wala namang nag-embutido sa bakwitan. Pero, malinaw na may mga adik sa bakwitan dahil sinulatan nila ng kinaanibang frat ang mga dingding ng ilang classrooms. At iyan ang isinukli ng mga bakwit sa pagmamagandang-loob ng mga principal sa oras ng kanilang matinding pangangailangan.

BANDERA Editorial, 100709

Read more...