Paano nga mananalo si Roxas?

TILA binasbasan na ni Pangulong Aquino ang kaibigan niyang si Interior Secretary Mar Roxas para maging kanyang kandidato sa 2016 presidential elections.

Pero hindi nagangahulugan na kapag si Roxas nga ang inendorso ni Ginoong Aquino ay siguradong siya na ang susunod na tatao sa Malacañang.

Iyan ang malaking problema ni Roxas ngayon — kung papaano niya maipapapanalo ang laban sa darating na halalan.
Ayon kay G. Aquino, si Roxas pa rin ang napipisil niya at ng Liberal Party (LP) para pambato sa 2016 elections na labis namang ikinatuwa ng kalihim ng Department of Interior and Local Government.

Sakatunayan, tinanggap agad niya ang maagang “basbas” ni Aquino at sinabing handa na siyang ipagpatuloy ang sinimulang programa ng kasalukuyang administrasyon.

Kung totoo mang si Roxas ang siyang magiging standard bearer ng administrasyon, nakasisiguro ang marami na nagbubunyi na ngayon pa lang ang kampo ni Vice President Jejomar Binay, ang nangunangunang presidential bet sa mga survey.

Ang ganitong pagkakataon — ang hirangin ni G. Aquino si Roxas bilang kandidato ng administrasyon — ang hinihintay ng kampo ni Binay.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na patuloy na nangungulelat si Roxas sa survey ng Pulse Asia at Social Weather Station, sakabila nang pagsusumikap nito at ng kanyang grupo na maingat ang kanyang rating.

Sa maraming gimik at pag-epal ng kalihim, hindi pa rin malagpasan ni Roxas si Binay at maging ang ibang presidentiable gaya ni Senador Grace Poe.

Noon pa man problema na talaga ni Roxas ang usapin ng winnability.

Alam ng LP na mahihirapang manalo si Roxas kay Binay kahit pa batbat ang huli ng kontrobersya. Marami ang naniniwala na baka ilampaso lamang ni Binay si Roxas pagdating ng halalan.

Kaya nga hindi maiwawasan na magkaroon ng sigalot sa loob ng LP dahil sa walang katiyakang panalo ni Roxas.
Isinusulong ng isang bloke sa loob ng LP ang posibleng kandidatura ni Poe, na pinaniniwalaang siyang makabubuwag kay Binay.

Napakalaki ng bagaheng dinadala ni Roxas.

Bukod sa mga kapalpakang ginawa ni Roxas sa mga taga Visayas nang hagupitin ito ng bagyong Yolanda, marami pa rin ang nagsasabing hindi maaayos niyang napapamahalaan ang departamentong tumitingin sa Philippine national Police (PNP).

Bukod sa mga bagaheng kinakaharap ni Roxas, hindi rin mapanghahawakan ang sinasabing endorsement ni G. Aquino para siya ay mahirang na susunod na pangulo ng bansa.

Ang tagumpay ng endorsement ng isang pangulo ay nakabatay sa kung papaano niya pinatakbo ang pamahalaan lalo na ang usapin sa kung paano niya naiangat ang kabuhayan ng mga mahihirap niyang kababayan.

Tunay na hindi sapat ang endorsement ni G. Aquino para maging pangulo si Roxas.

Nasa kamay ni Roxas kung papaano niya makukumbinsi ang publiko na magiging tapat siyang pangulo at kung paano niya ginampanan ang kanyang tungkulin bilang kalihim ng kanyang tanggapan.

Read more...