Opisyal ng PNP kinasuhan na ng rape

SA wakas, si Senior Insp. Rex Pascua ng Quezon City Police District (QCPD) ay kinasuhan na ng rape na isinampa ng isang babaeng may asawa.

Ang kasong rape ay non-bailable o walang piyansa.

Nakatulong ang aking public service program, Isumbong mo kay Tulfo, na maisampa ang kaso matapos ang mahaba-haba ring panahon.

Maraming oras at pawis din ang ginugol namin sa “Isumbong” upang maisampa ni Aubrey (hindi ko na babanggitin ang kanyang apelyido) ang kaso.

Pumunta si Aubrey sa Isumbong matapos siyang diumano’y halayin ni Pascua nang makailang beses.

Nag-umpisa ang kalbaryo ni Aubrey, isang babaeng happily married, nang nilapitan niya at ng kanyang ina si Pascua
upang magpatulong na maisauli ang kanilang lumang van na ginagamit sa negosyo.

Ayaw kasing isauli ng kaibigan nila na nanghiram ng kanilang sasakyan kaya’t napilitan si Aubrey at ang kanyang ina na lapitan si Pascua.

Si Pascua ay boyfriend ng kaibigan ni Aubrey kaya’t kakilala niya ang pulis.

Naisauli naman ang van dahil tinakot ni Pascua ang nanghiram.

Niyaya ni Pascua si Aubrey na kumain sa labas at bilang pasasalamat ay pinaunlakan niya ito.

Di raw alam ni Aubrey ang maitim na balak ni Pascua sa kanya. Nagtiwala naman siya sa pulis dahil boyfriend nga ito ng kanyang kaibigan.

Dinala ni Pascua si Aubrey sa isang motel sa Marikina at doon siya unang hinalay nito.
Nasundan pa ang panghahalay ng ilang beses.

Tinanong ko si Aubrey kung bakit nasundan ang panghahalay sa kanya ni Pascua.

Sabi ni Aubrey, sinusundo raw siya ni Pascua sa kanyang pinagtatrabahuang supermarket at pilit itong sinasama.

Tinatakot raw siya ng pulis na sasaktan ang kanyang asawa kung hindi siya sumama.

Nang di na niya matiis ang ginagawang pananakot at pambababoy sa kanya, lumapit na si Aubrey sa Isumbong mo kay Tulfo.

Inatasan ko ang isa sa aking staff, si Beula Rosales, na hawakan ang kaso ni Aubrey.

Nagsampa kami ng kasong rape sa korte at administrative case laban sa pulis sa National Police Commission (Napolcom).

Noong July 30, 2010, nagkaroon ng confrontation sa pagitan ni Aubrey at Pascua sa Napolcom main office sa Makati City. Di natiis ang diumano’y pagsisinungaling ni Pascua sa imbestigador na sila’y magkasintahan: Sinampal niya ang pulis na nakauniporme.

Dali-dali namang inaresto ng pulis sa harap ng Napolcom investigator si Aubrey sa salang assaulting a police officer.

Dinala ni Pascua si Aubrey sa Makati Police Station at doon niya pinakulong ito.

Nang malaman ng in-yong lingkod kay Beula ang pagkakakulong ni Aubrey, agad akong pumunta sa istasyon.

Hindi raw pinakinggan ni Pascua ang aking staff na si Beula, na kasama ni Aubrey sa confrontation, na pagpasensiyahan na lang ang babae.

Kahit na ang mga (walang silbi na) imbestigador ng Napolcom ay hindi pinakinggan ni Pascua.

Nakulong si Aubrey ng isang araw sa Makati Police Station at nakalabas lang siya nang nagbayad ng bail ang inyong lingkod.

Naantig ang aking damdamin nang tinanong ako ni Aubrey na nasa loob ng kulungan: “Kuya Mon, bakit ako ang nakakulong sa maliit na kasalanan samantalang ang humalay sa akin ay nasa labas?”

Wala akong maisagot at dali-dali akong tumalikod at umalis dahil naluluha ako.

Samantala, patuloy na nanungkulan si Pascua bilang opisyal ng QCPD Station 7 sa Cubao.

Hindi man lang siya sinuspinde ng Napolcom kahit na isinampa na ni Aubrey, sa tulong ng Isumbong, ang kasong administratibo laban sa pulis.

Noong isang linggo ay lumabas na ang warrant of arrest laban kay Pascua.

Siya ngayon ay nagtatago.

Read more...