CLEVELAND — Lumapit sa inaasam na kampeonato si LeBron James matapos pamunuan ang Cleveland Cavaliers sa tambakang panalo kontra Atlanta Hawks, 118-88, kahapon para makumpleto ang series sweep at makausad NBA Finals.
Umiskor si James ng 23 puntos habang si Kyrie Irving ay nagbalik-aksyon matapos mawala ng dalawang laro para ihatid ang Cleveland sa pagwawagi at ikinasa ang sagupaan sa mananalo sa Western Conference Finals sa pagitan ng Golden State Warriors at Houston Rockets.
Ito naman ang ikalawang pagkakataon na ang Cavaliers ay nakapasok sa NBA Finals bagamat ito ang ikalimang sunod para kay James, na bumalik sa Cleveland ngayong season matapos ang apat na matagumpay na taon sa Miami Heat.
Wala naman sa mga top sports teams ng Cleveland sa NBA, NFL o MLB ang nagwagi ng titulo magmula noong 1964. Ang Cavaliers ay mangangailangan naman ng apat na panalo para wakasan ang title drought na ito at kung magagawa nila ito ay magkakaroon si James ng titulo na maglalagay sa kanya sa rurok ng tagumpay.
Si Jeff Teague ay gumawa ng 17 puntos habang si Paul Millsap ay nagdagdag ng 16 puntos para sa Atlanta, na nanalo ng team-record 60 laro sa regular season at umabot sa conference finals sa kauna-unahang pagkakataon magmula noong 1970.
Subalit hindi naman nakaporma ang Hawks sa Cavaliers at wala rin silang pantapat kay James, na halos mag-average ng triple-double sa apat na laro.
Si J.R. Smith ay nagdagdag ng 18 puntos habang si Tristan Thompson ay nag-ambag ng 16 puntos at 11 rebounds para sa Cavs.
Ang All-Star point guard na si Irving ay umiskor ng 16 puntos.