MARAMI talagang mapagkakakitaan ang Pinoy. Maabilidad kasi ang mga Pilipino, ‘yun nga lang, minsan pati sa paggawa ng mali.
Nang maging requirement na ang “affidavit of support” na kakailanganing kunin ng mga OFW mula sa konsulado ng Dubai o embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, upang isumite naman ng mga naimbitahang kamag-anak sa pagkuha ng kanilang visa, marami ang nakakita ng pagkakataong samantalahin iyon.
Tulad na lamang nang unang mga napabalita na may mga kababayan tayong binabayaran ng mga mapagsamantalang recruiter sa UAE upang humingi ng naturang affidavit at ibebenta iyon sa kapwa Pinoy upang magamit sa kanilang pag-aaply papasok ng UAE, kahit hindi naman nila ito kaanu-ano, hindi kakilala at lalong hindi naman nila kamag-anak.
Mga ilegal silang na-recruit upang makapasok ng UAE gamit ang imbitasyon at affidavit nang OFW, na ayon sa kanila, ay wala naman silang kamalay-malay kung saan gagamitin ang naturang mga dokumento.
Ngunit ang totoo, alam nila iyon! Ang kanilang pagpayag na magamit at tumanggap ng kabayaran ay sapat nang dahilan upang masabing nagmamaang-maangan lamang sila.
Kamakailan lamang ay isang OFW na bagong salta sa Dubai ang gustong imbitahan ang asawa para madalaw siya roon.
May kapatid ang OFW sa Dubai na matagal nang nagtatrabaho roon at may kinakasama rin siya.
Nang mabalitaan ng ka live-in na nais palang imbitahan ang asawa ng kapatid ng kinakasama nito, agad siyang nagprisinta na siya na lamang ang mag-aayos ng lahat ng dolumento na kakailanganin ng kanyang in-law na hilaw.
Dahil bagito lang sa Dubai, napaniwala agad ang pobreng OFW sa sinabi ng hilaw na in-law. Nagbigay agad siya ng pera para sa plane ticket
Malapit na ang petsa ng flight ng misis ng OFW pero wala pa rin itong visa. Hindi pala siya makakakuha ng affidavit of support dahil kinakailangan ang “personal appearance” ng OFW bago siya maisyuhan ng naturang affidavit.
Sablay ang fixer! Siyempre nga naman, sa ngalan ng salapi wala ng kama-kamag-anak.
Kaya nang malaman ito ng OFW, sumugod ito sa konsulado at siya na ang personal na kumuha ng affidavit at nagpadala ng visa sa asawa.
Kaya sa ating mga kababayan, huwag na kayong magpapaniwala sa mga nag-aalok sa inyo diyan ng kahit anong serbisyo dahil maaari namang kayo na ang personal na kumuha ng kailangang dokumento.
Sa ika-18 taon na paglilingkod ng Bantay OCW Foundation, Inc. para sa ating mga OFW at mga kaanak nito, mas pinaigting na serbisyo pa ang hatid namin sa ating mga kababayan.
Matatagpuan na ang pangalawang tahanan ng inyong Bantay OCW sa 24H City Hotel sa 1406 Vito Cruz Extension, Balagtas st., Makati City.
Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa 24H City hotel, mag-log on lamang sa www.hotel24h.com.ph.
Maraming salamat sa pamunuan ng FPD Global Integrated Services sa pagkakaloob ng tahanang maglilingkod sa ating mga OFW saan man sa mundo.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424