Basbas ni PNoy di dapat balewalain

NOONG Lunes ay nagsalita si Pangulong Aquino na si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang kanyang top choice sa pagkapangulo sa 2016 elections.

Kung si Roxas ang pipiliin ni Aquino, ibig bang sabihin kinukumbinsi niya si Sen. Grace Poe na tumakbo na lamang sa pagka-bise presidente?

Hindi naman itinago ni Aquino na kinausap na niya si Poe kaugnay ng 2016 polls. Ang hindi nga lang malinaw ay kung ano ang alok kay Poe (kung meron man).

May mga naniniwala na mayroong maibibigay na 15 porsyentong dagdag si Aquino sa kung sinuman ang kanyang babasbasang kandidato sa 2016.

Kaya hindi pa ito maaaring balewalain. Hindi maikakaila na mataas pa rin ang satisfaction rating ni Aquino sa survey noong Marso ito ay may 11 porsyentong net rating pa.

Kung ihahabing, Oktubre 2004 pa lamang ay negatibo na ang rating ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo. Nang bumaba siya ang kanyang net satisfaction rating ay -17. Bago ang 2010 presidential elections ang kanyang rating ay -53 porsyento.

Si dating Pangulong Joseph Estrada naman ay hindi umabot sa 2004 presidential elections. Sa survey noong Disyembre 2000, ang kanyang net rating ay 9 porsyento.

Nasa 19 porsyento naman ang net rating ni dating Pangulong Fidel Ramos nang siya ay bumaba. Bago ang eleksyon (March-April 1998 survey) siya ay 30 porsyento pero hindi niya naipanalo ang kandidato na noon ay Speaker Jose de Venecia Jr.

Ang ina naman ni Aquino na si dating Pangulong Cory Aquino ay bumaba ng 7 porsyento ang net rating.

Kung si Roxas ang pipiliin ni Aquino, may mga nagsasabi na may mga miyembro ng Liberal Party na lilipat, ang tanong ay kanino? Kung sa palagay nila ay mananalo pa si Vice President Jejomar Binay sa kabila ng mga kontrobersyang kinakaharap nito, baka doon sila pumunta.

Ang inaabangan ng lahat, tutuloy kaya si Poe na tumakbo sa pagkapangulo katambal ang komportable niyang ka-tandem na si Sen. Chiz Escudero kung hindi siya ang kukunin ni Aquino.

Sabi ni Aquino sa Hulyo niya iaanunsyo ang kanyang kandidato kaya mayroon pang ilang buwan ang mga nais na tumakbo na kumbinsihin ang Pangulo na sila ang piliin. Yun ay kung hindi pa talaga siya nakakapamili ng mamanukin.

May mga maliliit na negosyante na natatakot sa inaprubahang anti-trust bill ng Kamara de Representantes.

Mayroon daw kasing isiningit na probisyon na maaaring gamitin laban sa kanila ng mga malalaking negosyante.

Kahit na ang Department of Justice ay sumulat sa Kamara at ipinahayag ang kanilang “grave concerns” sa panukala bago ito inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa.

Iba umano ang bersyon na ipinasa ng Kamara sa bersyon na ipinadala sa kanila ng Malacanang. Kaya duda ng ilan, baka may mga malalaking negosyante na naki-alam para pumabor sa kanila ang bersyon ng ipapasang panukala.

Mayroon din namang nababahala sa “good faith provision” na ipinasok sa panukala.

Baka daw kasi sabihin ng mga malalaking negosyante na good faith ang pagbebenta nila ng palugi sa kanilang mga produkto.

At siyempre dahil mas mura sila ang tatangkilikin. In good faith ang pagbaba ng presyo dahil para ito sa konsumer, correct?

Hindi naman ito kayang sabayan ng mga maliliit na kompanya (nagnegosyo ka para kumita at hindi magpalugi) kaya malamang sila ay magsara na lang kesa malugi.

At kapag patay na ang kalabang maliit na kompanya, puwede nang itaas ng malaking kompanya ang kanilang presyo para kumita na sila at makabawi.

Kung wala ng kalaban, sila na ang magdedekta ng presyo kaya talo na dito ang mga konsumer. Balik sa monopolyo ang mga malalaking negosyo “in good faith.”

Read more...