Malinis na baraha itataya ng Barako

red bull

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Barako Bull vs.  San Miguel Beer
7 p.m. Star Hotshots vs.  Alaska Milk

ITATAYA ng Barako Bull ang walang talo nitong record kontra rumaragasang San Miguel Beer sa kanilang pagtutuos sa PBA Governors Cup mamayang alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa 7 p.m. main game naman ay pipilitin ng nagtatanggol na kampeong Star Hotshots na makabalik sa win column sa pagharap nito sa Alaska Milk.
Ang Barako Bull ni coach Koy Banal ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa torneo. Ang Energy ay may 4-0 karta.
Sinimulan ng Energy ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 101-96 panalo kontra NLEX. Sinundan ito ng 105-90 pagwawagi kontra expansion team Blackwater Elite, 105-90. Na-upset nila ang Talk ‘N Text, 100-89, noong Mayo 15 at noong Linggo ay nakabalik sila sa 19 puntos na kalamangan ng Meralco Bolts upang magwagi, 105-99.
Ang San Miguel Beer naman ay natalo sa una nitong dalawang laro kontra KIA Carnival (83-78) at Meralco (106-96) pero nakabawi matapos iyon. Nagwagi sila sa sumunod na tatlong laro laban sa Rain or Shine (104-91), Globalport (121-102) at Star Hotshots (100-89).
Laban sa Bolts, ang Barako Bull ay nakakuha ng 28 puntos buhat kay Joseph Yeo na feeling at home na at home sa kanyang bagong team matapos ipamigay ng Barangay Ginebra kapalit ni Sol Mercado.
Ang import na si Liam McMorrow ay nagtala ng 19 puntos samantalang tatlong iba pang locals ang nagtapos na may double figures sa scoring. Gumawa ng 14 si RR Garcia at nagtala ng tig-12 sina Jake Pascual at Justin Chua.
Ang San Miguel Beer ay lumamang mula umpisa hanggang dulo kontra Star Hotshots.
Samatala kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City, binigo ng KIA Carnival ang Blackwater sa overtime, 83-76.
Umiskor ng 25 puntos si Jet Chang at nagdagdag ng 16 puntos at 23 rebounds si Hamady N’Diaye para sa KIA. —Barry Pascua

Read more...