BARAKO NAKUBRA ANG IKA-4 SUNOD NA PANALO

Mga Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Kia Carnival vs Blackwater
7 p.m. NLEX vs Talk ‘N Text

NAPANATILI ng Barako Bull Energy ang malinis na kartada sa pagkubra ng ikaapat na diretsong panalo matapos nitong padapain ang Meralco Bolts, 105-99, sa kanilang 2015 PBA Governors’ Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Nagtala si Joseph Yeo ng 28 puntos para pamunuan ang Barako Bull habang si Liam McMorrow ay nag-ambag ng 19 puntos at 23 rebounds.

Inihulog ni Yeo ang 11 sa kanyang kabuuang puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang Energy makumpleto ang kanilang matinding ratsada para makabangon buhat sa 19 puntos na paghahabol para manatiling nagsosolo sa itaas ng team standings sa tangang 4-0 kartada.

“I am really thankful that Joseph (Yeo) went to us,” sabi ni Barako Bull coach Koy Banal patungkol kay Yeo na nakuha ng Energy buhat sa Barangay Ginebra Kings bago magsimula ang kumperensiya kapalit ni Sol Mercado.

“When we heard that he was going to be traded, it was a no-brainer for us,” dagdag pa ni Banal na ang koponan ay pinalasap ang Bolts ng ikatlong pagkatalo sa limang laro.

Ang 28 puntos ang pinakamataas na naiskor ni Yeo sa nakalipas na limang taon matapos na makaiskor din nito sa nakalipas na season habang naglalaro para sa Air21 Express. Nang ibenta ng Express ang prangkisa nito sa NLEX Road Warriors, nakasama si Yeo sa isang pre-sale deal sa Gin Kings.

“Four-zero is a sign that everyone is excited in our team,” sabi pa ni Banal. “All credit goes to the players. There are players stepping up every night for us.”

Naghulog ang Meralco ng 11-0 bomba para itala ang pitong puntos na bentahe, 13-6, matapos maghabol sa 2-6 iskor. Pinalawig pa ito ng Bolts sa 31-12 sa huling bahagi ng unang yugto at mamayagpag hanggang sa ikatlong yugto.

Sina RR Garcia at Justin Chua ay umiskor ng tig-walong puntos sa ikatlong yugto para pangunahan ang Energy na kumana ng 34 puntos para makaangat sa Bolts sa pagtatapos ng yugto, 75-73.

Naghulog din si Jake Pascual ng mga mahahalagang puntos para tuluyang maiwanan ng Energy ang Bolts.

Naging susi rin sa panalo ng Barako Bull ang kanilang depensa kung saan nalimita nila ang Bolts sa 40 puntos sa ikalawa at ikatlong yugto matapos magbigay ng 33 puntos sa unang yugto.

Pinamunuan ni Andre Emmett ang Bolts sa ginawang 32 puntos subalit anim lamang ang nagawa niya sa huling yugto.

Si Cliff Hodge ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Meralco.

Sa ikalawang laro, tinambakan ng San Miguel Beermen ang Star Hotshots, 100-89, para mahablot ang ikatlong sunod na panalo.

Si June Mar Fajardo ay nagtala ng 21 puntos at 20 rebounds para pangunahan ang Beermen na umangat sa 3-2 kartada.

Ang Hotshots ay nahulog sa 1-3 karta.

Read more...