Ika-4 sunod panalo asinta ng Barako Bull

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Meralco
5:15 p.m. San Miguel Beer vs Star Hotshots

Team Standings: Barako Bull (3-0); Alaska Milk (3-1); Globalport (3-2); San Miguel Beer (2-2); Meralco (2-2); KIA Carnival (2-1); Talk ‘N Text (2-1); Star Hotshots (1-2); NLEX (1-3); Blackwater (1-3); Barangay Ginebra (2-3); Rain or Shine (1-3)

HANGAD ng Barako Bull na panatiliing malinis ang record nito sa salpukan nila ng Meralco sa 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Ikatlong sunod na panalo naman ang nais maiposte ng San Miguel Beer kontra defending champion Star Hotshots sa alas-5:15 ng hapon na main game.

Sinimulan ng Energy ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 101-96 panalo kontra NLEX bago tinambakan ang expansion franchise Blackwater, 105-90. Matapos iyon ay ginulat nila ang lahat nang talunin nila ang Commissioner’s Cup champion Talk ‘N Text, 100-87, noong Mayo 15.

Laban sa Tropang Texters, ang Barako Bull ay nakakuha ng monster performance buhat kay Liam McMorrow na gumawa ng double-double na 26 puntos at 28 rebounds.

Nakakuha rin ng double figures sa scoring ang Energy buhat kina Dylan Ababou (17 puntos), JC Intal (14), RR Garcia (13) at Joseph Yeo (12).

Sinamantala ng Energy ang pagkawala nina Ranidel de Ocampo, Jason Castro at Kevin Alas na pawang may injuries.

Ang Meralco ay kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto kasama ng San Miguel Beer sa record na 2-2. Galing ang Bolts sa 83-81 panalo kontra Hotshots.

Ang Bolts ay pinamumunuan nina Andre Emmett at Asian reifnorcement Seiya Ando. Sinusuportahan sila nina Gary David, Cliff Hodge, Reynell Hugnatan at Mike Cortez.

Ang San Miguel Beer ay galing sa back-to-back na panalo kontra Rain or Shine (104-91) at Globalport (124-102).

Ang Beermen ay pinamumunuan ni Arizona Reid na nakakakuha ng tulong buhat kina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Lutz at Marcio Lassiter.

Ang Hotshots ay may iisang panalo sa tatlong laro. Ito ay laban sa NLEX (89-85) noong Mayo 9.

Nagbalik si Marqus Blakely sa poder ng Hotshots at siya’y sinusuportahan nina Marc Pingris, Joe Devance, James Yap, Peter June Simon at Mark Barroca.

Read more...