Pacquiao malinis sa droga

HINDI na kailanman dapat pagdudahan si Manny Pacquiao lalo na kung ang usaping paggamit ng ipinagbabawal na droga ang pag-uusapan.

Lumabas na malinis si Pacquiao sa anumang droga, kasama ang mga performance enhancing drugs matapos ang isinagawang pagsusuri sa kanya sa idinaos na megafight laban kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.

Ang dalawang tinitingalang boksingero sa mundo ay parehong isinailalim sa ilang beses na pagsusuri gamit ang urine at blood samples at walang nakitang anumang mantsa sa 19 na isinumite niya para ipasuri.

Tig-11 urine samples at walong blood samples ang kinuha kina Pacquiao at Mayweather at kasama sa tiningnan ay kung umiinom sila ng gamot para tumaas ang kanilang human growth hormone na sinuri sa pamamagitan ng Carbon Isotope Radio Mass Spectrometry (CIR/IRMS).

Sa magkakaibang araw sinuri ng magkahiwalay sina Pacquiao at Mayweather ay ginawa ito dahil sa kagustuhan ng pound-for-pound king dahil sa naunang paniniwala na gumagamit ng mga ipinagbabawal na droga si Pacman.

Hindi makapaniwala si Mayweather na napapanatili ni Pacquiao ang kanyang bilis at lakas kahit patuloy ang pag-akyat sa timbang.

Si Pacquiao lamang ang natatanging boksingero sa mundo na nanalo ng titulo sa magkakaibang dibisyon.

Nabigo ang Kongresista ng Sarangani Province kay Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision dahil na rin sa may iniindang right shoulder rotator cuff tear.

Ipinaopera na ito ni Pacquiao at inaasahang babalik siya ng ring sa 2016.

Natalo man ay nanalo naman siya nang mapatunayan sa lahat na siya ay isang malinis na atleta.

Read more...