PH SEA Games women’s volleyball team buo na

ISANG matangkad na puno ng talento ang koponang kakatawan sa bansa sa women’s volleyball sa Singapore Southeast Asian Games.

“This is the best team that we can offer,” wika ni Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) president Jose Romasanta nang pormal na inanunsyo kahapon ang pangalan ng 12 manlalaro sa Sports Radio.

Ang two-time UAAP MVP at flag bearer ng Philippine delegation sa SEA Games na si Alyssa Valdez ay sasamahan nina Jia Morado, Gretchel Soltones, Dindin Santiago-Manabat, Jaja Santiago, Bea De Leon, Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Aby Maraño, Maika Ortiz, Rhea Dimaculangan at Denden Lazaro.

Sina 6-foot-2 Santiago-Manabat, 6-foot-5 Jaja Santiago at 6-foot Bea De Leon ang mga mangunguna sa blocking habang sina Valdez, Soltones, Maraño, Gonzaga, Daquis at Ortiz ang sasandalan sa opensa.

May katuwang na rin si Morado sa setting sa katauhan ni Dimaculangan habang si Lazaro ang magdadala sa depensa.
Sina Valdez, Santiago, Morado, De Leon at Soltones ay nakasama sa naglaro sa Asian U-23 Women’s Championship sa bansa at tumapos sa ikapitong puwesto at ang karanasan ay magagamit nila para sa mas mabigat na kompetisyon tulad ng SEA Games.

“It’s a good mix of players and this team can pull many surprises,” dagdag ni Romasanta. Inaasahan na sa linggong ito ay iigting na ang pagsasanay ng koponan lalo pa’t sa mga nagdaang araw ay hindi nakukumpleto ang koponan sa ensayo sa Blue Eagle Gym.

Palaban man ay magiging masaya na ang LVPI kung manalo ng tansong medalya ang koponan dahil ngayon pa lamang nagsisimula na bumalik ang Pilipinas sa pagsali sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.

Read more...