OAKLAND, California — Nakalusot ang Golden State Warriors sa Houston Rockets, 99-98, para mahablot ang 2-0 lead sa kanilang NBA Western Conference finals series kahapon.
May pagkakataon sana ang Houston na manalo subalit nawalan ng kontrol sa bola si Rockets James Harden hanggang sa maubos ang oras matapos siyang kuyugin ng depensa nina Warriors guards Stephen Curry at Klay Thompson.
Si Curry ay umiskor ng 33 puntos para sa Warriors, na pinalakas ang hawak sa serye at makatutok sa pagpasok sa NBA Finals. Si Curry ang tinanghal na league MVP ngayong season habang si Harden ang runner-up para sa nasabing award.
Tinulungan ni Harden ang Rockets na makabangon buhat sa 17 puntos na paghahabol sa ikalawang yugto at nagkaroon ng pagkakataon na tapusin ang kanilang pagbangon sa ikaapat na yugto.
Subalit hindi ito nangyari matapos na pagtulungan siya sa depensa nina Thompson at Curry. Si Harden ay nagtala ng 38 puntos, 10 rebounds at siyam na assists habang si Dwight Howard ay binalewala ang tinamong sprain sa kaliwang tuhod para magtapos na may 19 puntos at 17 rebounds para sa Rockets.
Ang Game 3 ay gaganapin bukas sa Houston, na muling nahaharap sa dalawang larong paghahabol. Nagawa namang makabangon ng Rockets mula sa 3-1 paghahabol sa second round laban sa Los Angeles Clippers.
“We’re not going to go anywhere,” sabi ni Rockets coach Kevin McHale. “We’re just going to keep standing here and swinging.” Si Curry ay may limang 3-pointers na sinamahan niya ng anim na assists at tatlong rebounds.
Nakatuwang naman niya ang mga kakamping sina Andrew Bogut, Draymond Green at Thompson na nagsanib-puwersa para ibangon ang Warriors matapos mawala ang kanilang 17 puntos na kalamangan sa first half.
Tumira si Curry ng 3-pointer at nakita si Bogut sa ilalim ng rim para makaiskor ng layup ang 7-foot Australian center. Sumablay si Bogut sa kanyang bonus free throw subalit angat pa rin ang Warriors sa 96-89 may 2:25 ang nalalabi sa laro.
Nagawang ibangon ni Harden ang Houston at napuwersa ng Rockets ang Warriors sa 8-second backcourt violation bago nakita ni Harden si Howard para sa isang alley-oop na tumapyas sa kalamangan ng Golden State sa isang puntos, 99-98, may 33 segundo ang natitira.
Matapos ang timeout, sumablay si Harrison Barnes sa kanyang reverse layup sa harap ni Howard bago maubos ang kanilang shot clock. Ibinaba naman ni Harden ang bola sa court at hindi na tumawag si McHale ng timeout dahil napansin nitong nagulantang ang Warriors.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.