Laro Ngayon
(Dubai, UAE)
7:30 p.m. Rain or Shine vs Barangay Ginebra
MAGTUTUOS ang Rain or Shine at Barangay Ginebra, dalawang koponang nasa ibaba ng standings ng PBA Governors’ Cup mamayang alas-11:30 ng gabi (PH time) sa Al Shabab Al Arabi Club sa Dubai, United Arab Emirates.
Ito ang ikalawang laro ng Elasto Painters sa Dubai dahil sa nakaharap nila kagabi ang Globalport sa parehong venue.
Ang Elasto Painters, na sumegunda sa Talk ‘N Text sa nakaraang Commissioner’s Cup, ay natalo sa una nitong dalawang laro sa kasalukuyang torneo. Yumuko sila sa San Miguel Beer (104-91) at Alaska Milk (94-93). Ang Rain or Shine ay sumasandig sa dating Alaska Milk import na si Wendell McKines.Umaasa si coach Yeng Guiao na gaganda ang mga
numero ni McKines na nag-average ng 21.5 puntos sa kanyang unang dalawang laro.
Gumawa siya ng 19 puntos kontra Beermen at 24 laban sa Aces.
Si McKines ay susuportahan nina Gabe Norwood, Paul Lee, Beau Belga, JR Quinahan, Chris Tiu at Jeff Chan.
Ang Barangay Ginebra ay may 1-3 record at nasa ikasiyam na puwesto kasama ng NLEX at Blackwater.
Ang tanging panalo ng Gin Kings ay naitala nila kontra KIA Carnival, 105-98, noong Marso 13.
Sila ay galing sa 83-77 kabiguan sa Blackwater noong Mayo 16 sa out-of-town game sa Dipolog City.
Ang Gin Kings ay pinangungunahan ng scorer na si Orlando Johnson na may average na 43.25 puntos sa apat na laro.
Katuwang ni Johnson ang Asian reinforcement na si Sanchir Tungalag, ang kauna-unahang Mongolian player na naglaro overseas.
Ang local support ay manggagaling kina Mark Caguioa, LA Tenorio, Dave Marcelo, Rodney Brondial at Jayjay Helterbrand.
Hindi pa rin makapaglalaro sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar at Chris Ellis.