ININDORSO kahapon ni superstar Nora Aunor si Sen. Grace Poe bilang presidente sa 2016.
“Kung ako ang tatanungin, kung ako magsasabi sa kanya dapat presidente,” sabi ni Aunor matapos dumalo sa pagdinig ng Senado. Nangako rin si Aunor na ikakampanya niya si Poe sakaling magdesisyon ang huli na tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“Yes, 101 percent,” dagdag ni Aunor. Naniniwala si Aunor na magiging mabuting ehemplo si Poe sa mga Pilipino sakaling manalo bilang presidente.
“Basta sa akin maganda yung mga pinapakita at ginagawa ng ating mahal na senador. Sinsero kasi sya, mararamdaman mo sa puso mo yung kanyang sinseridad,” dagdag ni Aunor.
Nilinaw naman ni Aunor na hindi niya iniindorso si Poe dahil sa yumaong tatay nito na si Fernando Poe Jr. (FPJ). Aniya, naniniwala siya sa kakahayan ni Poe na pamunuan ang bansa.
Tumakbo si FPJ bilang pangulo noong 2004, bagamat natalo kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.