Kauna-unahang dragon boat race sa Cebu aarangkada sa Mayo 23
ANG kauna-unahang dragon boat race na gaganapin sa Cebu ay mangyayari sa Sabado, Mayo 23, sa Bogo City, Northern Cebu.
“Matagal na naming pinaplano ito sa Cebu,” sabi ni Randy Su, commissioner ng Cebu Provincial Sports Commission (CPSC) sa isang panayam noong Sabado.
“Isa ito sa aming alternative sports program,” dagdag ni Su na pangulo rin ng Habagat Outdoor Equipment at organizer ng Carera Habagat Adventure Race.
Iniimbitahan din ni Su ang mga rowers at paddlers ng Cebu at lahat ng mga gustong matuto na sumali sa dalawang araw na Basic Dragonboat Clinic umpisa bukas.
Ang clinic ay pangungunahan ng isang coach mula Maynila at may basbas ito ng Philippine Dragon Boat Federation. “May inimbita din kaming dalawang dragon boat teams galing Bohol para mag-exhibition sa May 23,” dagdag ni Su.
Hindi pa man nagaganap ang event na ito ay binabalak na ng grupo ni Su na magkaroon ng isang international dragonboat race sa lalawigan para lalong ma-engganyo ang mga local athletes na subukan ang sport na ito.
“Marami tayong potensyal na paddlers ditto sa Cebu,” ani Su. May plano rin ang CPSC na bumili ng dalawang 10-seater dragon boats upang may magamit ang mga taga-Cebu sa kanilang pagsasanay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.