UMABOT na sa 32 class suit ang inihain kaugnay ng laban nina Pambansang Kamao Manny Pacquiao at Floyd Mayweather,Jr. sa pagsasabing sila ay dinaya.
Nais ng mga ito na maibalik ang kanilang pera matapos namang aminin ni Pacquiao ang pagkakaroon ng injury sa balikat habang nakikipaglaban kay Mayweather.
Pare-pareho ang sinasabi ng 32 class suit, dapat umanong isinapubliko ni Pacquiao ang kanyang pagkakaroon ng injury sa balikat bago ang laban.
Ayon sa mga lawsuit mula sa iba’t-ibang estado ng Estados Unidos, maaaring nagdesisyon ang mga tagahanga na hindi magbayad ng $89 o $99 para sa pay-per-view fight kung nalaman lamang nila na wala sa kondisyon si Pacquiao nang mangyari ang laban.
Ayon naman sa mga pumunta sa nightclub at bar, gumastos sila ng libo-libong dolyar para mapanood lamang ang laban.
Duda naman ang mga eksperto kung may tsansang manalo ang mga class suit na inihain laban kay Pacquaio.