NAPATUNAYANG guilty ang isang Pinoy nurse matapos patayin ang dalawang pasyente sa isang ospital sa United Kingdom (UK) gamit ang insulin noong 2011.
Kinilala ang Pinoy nurse na si Victorino Chua. Sinintensiyahan si Chua noong Lunes ng isang jury sa Manchester Crown Court matapos ang 11 araw na deliberasyon kaugnay ng kanyang kasong kinakaharap.
Napawalang-sala naman si Chua sa ikatlong kaso ng murder.
Nadiskubre na tinuturukan ni Chua ng insulin ang mga saline bag at ampules habang nagtatrabaho sa Stepping Hill Hospital sa Stockport, 200 milya ang layo mula sa hilagang kanluran ng London.
Ginamit naman ng ibang nurse ang mga kontaminadong bag at ambules, dahilan para magresulta sa overdose ng insulin.
Sa isang sulat na ipinasok bilang ebidensiya, sinabi ng 49-na-taong-gulang na nurse na, “There’s a devil in me.” Idinagdag pa niya na siya ay, “an angel turned into an evil person.”
Sinabi naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na hindi ito dapat makaapekto sa imahe ng mga Pinoy nurse sa iba’t-ibang panig ng daigdig.
“Sa dami ng mga masipag at mahusay na Pilipinong manggagawa na hinahangaan ang kakayayan, sana hindi maapektuhan ng iisang masamang elemento,” sabi ni Coloma.