Torres, Guarte nakaginto sa Taiwan

NAGPATULOY ang magandang ipinakikita ni Marestella Torres nang siya at si Mervin Guarte ay nanalo ng ginto sa idinaos na Taiwan Open Athletics Championships nitong Mayo 15 at 16 sa New Taipei City.

Ang Olympian na si Torres, na magtatangka na maibalik ang pangunguna sa long jump sa Southeast Asian Games sa Singapore matapos lumiban noong 2013 Myanmar edition, ay lumundag ng 6.53 metrong marka para sa kanyang pinakamalayong talon sapul nang bumalik noong nakaraang taon.

Napahinga si Torres matapos isilang ang unang anak nila ni Eleazer Sunang at ito ang ikalawang gintong medalya sa taon matapos manguna rin sa Singapore Invitationals.

Malayong nasa ikalawa at ikatlong puwesto si Wan Ju Wen ng Taiwan (6.07m) at Thi Trucmai Nguyen ng Vietnam (6.06m). Hindi nagpahuli si Guarte nang nagkampeon sa 1,500m run sa 3:54.09.

Ang mga hometown bets na sina Tseng Chiu-Chu at Lai Meng-Xin ang pumangalawa at pumangatlo sa 3:55.28 at 3:56.71. Isa pang Pinoy na si Christopher Ulboc ay pumang-anim sa 4:01.45.

Gumawa ng bagong Philippine record si pole vaulter Ernest John Obiena para makapaghatid ng pilak tulad ni Edgardo Alejan na nag-uwi rin nito sa paboritong 400m run.

May 5.25m marka si Obiena para tabunan ang sariling marka na 5.20m upang pumangalawa kay US bet Victor Weirich sa 5.45m marka.

Naorasan naman si Alejan ng 47 segundo sa 400m run para pumangalawa kay US bet LaShawn Merritt na may 46.76 segundo. Hindi rin nagpahuli ang beteranang si Rosie Villarito na kumulekta ng tanso sa javelin throw sa 46.47m marka.

Ang Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) ang nagpadala ng delegasyon at ginastusan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ito na ang huling tune-up ng athletics team bago ang SEA Games na gagawin mula Hunyo 5 hanggang 16.

Read more...