NAGPAKITANG-gilas ang 17-anyos na si Kristian Reyes habang sinuwerte rin si Michelle Barnachea para pagharian ng dalawa ang Aboitiz Power Tour of Subic kahapon sa Maritan Highway sa Subic Bay Freeport Zone.
Isinantabi ni Reyes, isa sa mga riders ng Aboitiz Power, ang pagod sa 90-kilometer road race na inorganisa ng Bike King sa pangunguna ni Raul Cuevas katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nang nanaig siya sa rematehan laban sa kakamping si Jason Comandante at Resty Aragon ng Team Excellent Noodles.
Ang tatlo ay naorasan ng dalawang oras, 34 minuto at 29 segundo. Sumali rin si 2014 champion Joey Delos Reyes pero hindi siya nakahulagpos sa mata ng mga katunggali at nakontento sa ika-14 puwesto sa 58 na sumali sa Category 2 sa 2:37:24 oras.
Ang 27-anyos na si Barnachea, na ang asawa ay ang batikang siklista na si Santy Barnachea, ay nanaig din sa sprint finish laban kay Mari Maligaya para sa makulay na pagbabalik sa karerang may ayuda rin ng SN Aboitiz Power Group, Sante Barley, Weather Philippines, Subic Holiday Villas, Gatorade at GU.
Sina Barnachea ng Team Philippine Navy-Standard Insurance at Maligaya ng Sante Barley ay parehong naorasan ng 3:04:34. Ang tanso ay napunta kay Mae Wong ng Corratec Philippines sa 3:17:15 tiyempo.
Ang dating kampeon na si Marella Vania Salamat ay sumali sa Category 3 Intermediate laban sa mga kalalakihang siklista at tumapos siya sa pang-apat na puwesto sa 2:34:12 oras.
Ang kategoryang ito ay pinagharian ni Ricky Pedrina ng Tropang Boy Kanin (2:34:10) habang ang huling kategorya na pinaglabanan na Category 4 Novice ay dinomina ni Jhay-R Sotto ng City Heights Hotel (2:45:14).