SO, tuloy na tuloy na nga ang pagsasamahang pelikula nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Kris Aquino. Buong akala talaga namin ay biruan lang ito dahil nga hanggang ngayon ay ginagawa pa ring katatawanan sa social media ang naudlot nilang relasyon.
Hanggang sa nakunan nga ng ABS-CBN news ang story conference ng dalawa noong Biyernes kasama ang direktor na si Antoinette Jadaone.
Pero naikuwento ni Kris na muntik na raw hindi matuloy ang movie project nila ni Bistek dahil humaharang ang anak niyang si Bimby, “Kasi sabi ni Bimb, ‘Mama, he broke your heart and he’ll break your heart again.”
Kaya kinausap ng TV host-actress ang anak, “Please let me do this honey, kasi your mama needs closure.” Si Kris ang nagtanong kay Herbert kung bakit siya pumayag na gawin ang pelikula, “Why did you say yes?” sabi ni Tetay na kaagad namang sinagot ni Mayor ng, “Because of you.”
Humirit naman si Kris ng, “Tatanggi ka ba sa akin, tinanggihan mo nga ako, e.” Alam na ng lahat na inalok na ng kasal ni Herbert noon si Kris, pero bigla nitong binawi at nakipaghiwalay sa TV host at labis itong dinamdam noon ng Queen of All Media.
Pero okay na raw sila ngayon dahil kung hindi ay hindi papayag si Kris na makasama si Bistek sa pelikula.“Kasi I’ve never done something like this.
Lahat ng projects ko, lahat ng festivals mula noong nag-movie ulit, from ‘Mano Po’ down the line, I’ve never been able to do a full-length romance. And you have to put that into perspective, e.
Sa edad ba naman namin, akalain pa ba namin na merong adult romance na puwedeng maganap. Why not? “Kaya sinabi ko na, ‘You will continue to challenge yourself,’ and it was something na gusto ko talagang gawin.
“Siguro test ko rin sa sarili. Sa personal na buhay okey na ako, kasi kung sa personal na buhay hindi ako okey, hindi ko ‘to gagawin dahil baka naman every day after shooting umuuwi akong umiiyak.
“Pero ngayon excited na ako dahil feeling ko every day after shooting, nakatawa na ako,” mahabang paliwanag nito.
Isa lang ang hiling ni Kris sa shooting ng pelikula nila ni HB, “No friends, staff lang.
Phone friends. Baka kasi may paliparin siya from Korea.” Si Jasmine Lee na biyuda na ngayon sa napangasawang Koreano ang tinutukoy ni Tetay na nali-link nga kay Herbert, “Hindi sinasabi ko lang. I’m not jealous,” tumawang sabi ng Queen of All Media.