Pinas naka-3 ginto sa World School Chess

GUMAWA ng marka ang mga batang chess players ng bansa nang nalagay ang Pilipinas sa ikatlong puwesto sa pangkalahatan sa idinaos na World School Chess Championships sa Pattaya, Thailand.

May 16 bansa ang sumali sa torneo na ginawa mula Mayo 6 hanggang 14 sa Dusit Hotel at ang Pilipinas ay nag-uwi ng tatlong ginto, anim na pilak at isang tansong medalya.

Sina IM Paulo Bersamina at WFM Shania Mae Mendoza ay nagkamit ng isang ginto at isang pilak habang si John Merill Jacutina ay mayroong isang ginto at isang tanso para pangunahan ang 12 manlalarong ipinadala ng National Chess Federation Philippines (NCFP).

“We want to congratulate these young athletes for making the Filipinos proud in the World School Chess Championships. This is a bright spot for Philippine chess because at their young age, they are now considered world champions,” wika ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales.

Sa Blitz at Standard ginawa ang kompetisyon at si Bersamina, na mag-aaral ng National University, ay kampeon sa boys U17 Blitz at may pilak sa Standard.

Si Mendoza na mag-aaral ng FEU ay lumaban sa girls’ U17 at nanalo siya sa Blitz at pumangalawa sa Standard habang si Jacutina na nag-aaral din sa FEU, ay hari sa U15 boys’ Standard at may tanso sa Blitz.

Ang iba pang nanalo ng pilak ay sina Kylen Joy Mordido sa girls’ U13 Standard at Blitz, Justine Mordido sa boys’ U11 Blitz at Alexis Osa sa girls’ U15 blitz.

Ang China ang lumabas na kampeon sa pangkalahatan sa limang ginto, limang pilak at  apat na tanso habang ang Azerbaijan ang pumangalawa bitbit ang apat na ginto.

May tatlong ginto pa ang Kazakhstan pero dalawa lamang ang kanilang pilak para tumapos sa pang-apat na puwesto.

Read more...