Solo lead asinta ng Globalport

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
3 p.m. San Miguel Beer vs Global Port
5:15 p.m. Purefoods Star vs Meralco

MASUNGKIT ang ikaapat na sunod na panalo na magbibigay dito ng solo liderato ang asinta ngayon ng Globalport Batang Pier kontra San Miguel Beermen sa pagpapatuloy ng 2015 PBA Governors’ Cup elimination round sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Ang Batang Pier at Beermen ay maghaharap sa opening game ganap na alas-3 ng hapon at susundan ito ng sagupaan sa pagitan ng Purefoods Star Hotshots at Meralco Bolts sa alas-5:15 ng hapon na main game.

Ang Globalport ay galing sa magkakasunod na panalo kontra Meralco (92-73), Blackwater Elite (100-76) at Purefoods Star (91-89).

Ang Batang Pier ay pinamumunuan ni Terrence Romeo na kumakana ng team-high 21.33 puntos. Si Romeo ay sinusuportahan naman nina Stanley Pringle, Ronjay Buenafe at mga imports na sina Omar Krayem at Steven Thomas, na pinalitan si Patrick O’Bryant sa kanilang huling laro.

Ang San Miguel Beer ay manggagaling naman sa kumbinsidong panalo laban sa Rain or Shine Elasto Painters, 104-91, noong Martes.

Bago ang panalo, ang Beermen ay nakalasap ng masakit na pagkatalo mula sa Kia Carnival (83-78) at Meralco (106-95).
Ang Beermen ay pinangungunahan ng import nitong si Arizona Reid na may team-best 22 puntos.

Makakatuwang naman ni Reid sina June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Arwind Santos.

Ang Purefoods Star ay nagwagi sa unang laro nito laban sa NLEX Road Warriors (89-85) bago pinadapa ng Globalport noong Martes.

Muling sasandalan ng Hotshots ang balik-import nitong si Marqus Blakely na may team-leading averages na 24.00 puntos, 17.50 rebounds, 3.00 assists, 5.00 steals at 4.50 blocked shots.

Makakatuwang naman niya sina Alex Mallari, James Yap, Mark Barroca, Justin Melton, Marc Pingris at Peter June Simon.

Ang Meralco, na ang unang panalo ay nakuha kontra San Miguel Beer sa overtime, 106-95, ay pinabagsak ng sister team nitong NLEX, 91-84, noong Miyerkules.

Ang Bolts ay sasandig naman kay Andre Emmett na may team-high averages na 38.67 puntos, 11.67 rebounds at 3.67 assists. Susuportahan siya nina Japanese import Seiya Ando, Gary David, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan.

Samantala, pinatumba ng Blackwater ang Barangay Ginebra Kings,  83-77, sa kanilang out-of-town game sa Dipolog City Sports Complex sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.

Read more...