MEMPHIS — Umiskor si Stephen Curry ng 32 puntos, kabilang ang 62-footer sa pagtatapos ng ikatlong yugto, para sa Golden State na umabante sa Western Conference finals sa kauna-unahang pagkakataon magmula noong 1976 matapos tambakan ang Memphis Grizzlies, 108-95, sa Game 6 ng kanilang NBA semifinals series kahapon.
Nakaabante ang Warriors matapos ipamalas ang pinakamahusay na shooting sa NBA postseason magmula noong 1985 kung saan naging kauna-unahan silang koponan na tumira ng 14 o higit pa na 3-pointers sa tatlong magkakasunod na playoff games. Si Curry ay tumira ng 8 of 13 3-point field goals para sa Warriors na naghulog ng playoff-best 15 3-pointers para sibakin ang Memphis sa pagtala ng ikatlong sunod na panalo.
Si Curry, na mayroon ding 10 assists, ang nakagawa ng shot of the night matapos supalpalin ni Andre Iguodala ang tira ni Jeff Green malapit sa midcourt. Nakuha ni Curry ang loose ball at bumato ng buzzer-beating 3-pointer para sa 76-68 kalamangan.
Si Klay Thompson ay nagdagdag ng 20 puntos para sa Golden State habang si Draymond Green ay nag-ambag ng 16 puntos.
Makakalaro ng Warriors ang magwawagi sa Los Angeles Clippers-Houston Rockets series sa conference finals. Ang Clippers at Rockets ay tabla ang serye sa 3-all.
Ang conference finals ay gaganapin sa Miyerkules sa Golden State.
Pinamunuan ni Marc Gasol ang Memphis sa ginawang 21 puntos at 15 rebounds.
Hawks 94, Wizards 91
Sa Washington, nakausad ang Atlanta Hawks sa Eastern Conference finals sa unang pagkakataon matapos maungusan ang Washington Wizards at hindi mabilang ang game-tying 3-pointer sana ni Paul Pierce habang paubos ang oras para kunin ang 4-2 series victory.
Ang Hawks ay pinangunahan ni DeMarre Carroll na nagtala ng playoff career-high 25 puntos, kabilang ang dalawang layups sa huling minuto ng laro mula sa assist ni Jeff Teague.
Iho-host ng Atlanta ang Cleveland Cavaliers sa Game 1 ng East conference finals sa Huwebes.