Laro Ngayon
(Dipolog City)
5 p.m. Barangay Ginebra vs Blackwater
MASUNDAN ang magandang panalong naitala ang habol ng Barangay Ginebra Kings laban sa Blackwater Elite sa pagdayo nila ngayong hapon sa Dipolog City Sports Complex sa Dipolog City, Zamboanga del Norte sa out-of-town elimination round game ng 2015 PBA Governors’ Cup.
Ang Gin Kings ay magmumula sa panalo kontra Kia Carnival, 105-98, noong Miyerkules.
Bago ang panalo, ang Barangay Ginebra ay nanggaling sa magkasunod na pagkatalo buhat sa Alaska Aces (108-99) at Talk ‘N Text Tropang Texters (95-91).
Ang Gin Kings ay pinamumunuan ng import nitong si Orlando Johnson na may team-leading averages na 47.67 puntos, 13.33 rebounds at 1.67 blocks.
Sinusuportahan siya nina Mark Caguioa, Solomon Mercado, Joshua Urbiztondo, LA Tenorio at Mongolian import Sanchir Tungalag.
Ang Blackwater ay manggagaling sa tatlong sunod na pagkatalo buhat sa Alaska (106-80), Globalport Batang Pier (100-76) at Barako Bull Energy (105-90).
Ang Elite ay pangungunahan ni Marcus Douthit na mayroong team-high averages na 24.33 puntos, 14.67 rebounds at 4.0 shotblocks.
Makakatuwang naman niya sina Reil Cervantes, Riego Gamalinda, Brian Heruela at Sunday Salvacion.
Samantala, tinambakan ng Barako Bull ang Talk ‘N Text, 100-87, sa kanilang laro kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang Energy ay pinangunahan ng import nitong si Liam McMorrow na nagtala ng 26 puntos habang sina Dylan Ababou, JC Intal, RR Garcia at Joseph Yeo ay nag-ambag ng 17, 14 13 at 12 puntos.
Si Steffphon Pettigrew ang namuno para sa Talk ‘N Text sa kinamadang 23 puntos.