MAY 14 kabayo ang magsusukatan para magkaroon ng pagkakataon na hirangin bilang 2015 Triple Crown champion sa gagawing first leg bukas sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Mangunguna sa kasali ang coupled entries na Hook Shot at Sky Hook na papatnubayan nina Rodeo Fernandez at Jordan Cordova sa karerang paglalabanan sa 1,600-metro distansya at sinahugan ng P3 milyon kabuuang premyo.
Sa dalawang ito ay nakatuon ang mga mata kay Hook Shot dahil ang kabayong ito ang siyang lumabas bilang pinakamahusay na two-year-old horse noong 2014 nang mapagwagian ang Philracom Juvenile Championship.
Ang iba pang kabayong kasali sa una sa tatlong yugtong karera para sa edad tatlong taong gulang na mga kabayo at suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom) ay sina Breaking Bad (LD Balboa), Icon (DL Camanero), Jebel Ali (JA Guce) at coupled entry Cat Express (CV Garganta), Driven (PR Dilema), Princess Meili (FM Raquel Jr.), Money Talks (RO Niu Jr.), Miss Brulay (KB Abobo), Incredible Hook (MA Alvarez), Diamond’s Best (KE Malapira), Superv (JB Bacaycay) at Real Talk (JB Hernandez).
Noong nakaraang taon, ang 2013 Juvenile champion na si Kid Molave ang siyang lumabas na pinakamahusay na 3-year-old horse nang walisin ang tatlong yugtong karera para maging ikasampung kabayo na itinanghal bilang Triple Crown champion.
Ang second leg ay itatakbo sa Hunyo 14 sa Santa Ana Park sa 1,800m distansya habang ang ikatlo at huling yugto ay gagawin sa Hulyo 12 sa Metro Turf sa Malvar, Batangas sa 2,000m ruta.