PAANO nga ba kung si Interior Secretary Mar Roxas ang ipantatapat ng ruling Liberal Party (LP) kay Vice President Jejomar Binay sa darating na 2016 elections? Hindi kaya sa kangkungan lang damputin si Mar?
Pinatunayan na ito nang magkatapat sina Mar at Binay noong 2010 elections sa pagka bise presidente. Milya-milya ang naging lamang ni Binay kay Mar sakabila ng makinarya ng LP at endorso ng kaparehang si Pangulong Aquino.
Kung pag-uusapan naman ang performance, marami ang naniniwala na mas may ipinakitang galing ang bise presidente kumpara sa DILG secretary. Ang higit na masaklap, hanggang ngayon ay walang “konek” si Mar sa masa.
Kaya nga, dapat talagang mag-isip nang mabuti si Ginoong Aquino sa kanyang pi-piliing kandidato sa darating na halalan.
Kung “winnability” kasi ang pag-uusapaan, hinding-hindi ito makikita kay Mar.
Maaaring si Grace Poe lamang ang pwedeng ipangtapat kay Binay pagdating sa “winnability”.
Mahalaga kay G. Aquino na galing sa poder niya ang manalo sa susunod na halalan. Una, para matiyak na ang repormang kanyang naumpisahan ay magpatuloy at ikalawa, upang hindi siya matulad sa mga sinundan niyang pangulo na sina Joseph Estrada at Gloria Arroyo na pawang nakulong dahil sa kabi-kabilang kasong isinampa sa kanila ng kanilang mga kalaban sa politika.
Malalim ang sugat ni Binay, at sa ginawa sa kanya ng admi-nistrasyong Aquino, tiyak na hindi niya palalampasin ang mga ito sa sandaling siya ang maupo sa Palasyo.
Walang tanging alternatibo si G. Aquino kundi si Poe.
Kung si Poe ang iienderso ni G. Aquino, posible pang may laban ang administrasyon sa 2016 presidential elections.
Patunay ang pinakahuling survey na halos mag-abot na sina Binay at Poe sa unang pwesto habang kulelat pa rin si Mar.
Mahirap na desisyon ang gagawin ni G. Aquino kung si Mar o si Poe ang kanyang pi-piliin.
Malaki ang utang na loob ni G. Aquino kay Mar pero baka ilampaso lang naman ito ni Binay sa halalan.
Sa mga susunod na araw, pormal na magdedesisyon si G. Aquino sa kung sino ang kanyang pipiliin bilang standard bearer ng LP, kasabay rin sa pagpili kung sino naman ang magiging running mate nito.
At kulang-kulang isang taon na lang at magdedesisyon na rin ang bansa sa kung sino ang pipiliin para pumalit kay G. Aquino.
Eto ang masakit, kung si Mar ang pipiliin ni G. Aquino, hindi imposibleng si Binay ang manalo.
Handa ka bang si Binay ang manalo, lalo pa’t alam naman ng lahat na batbat siya ng kontrobersya dahil sa akusasyong pangungurakot?
Pero, handa ka rin ba kay Poe kung sakaling siya naman ang manalo? Sapat ba na “winnability” lang ang batayan para pagtagumpayan ang kabi-kabilang problema ng bansa?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.