Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome, Pasay City)
4:15 p.m. Shopinas vs Petron (Game 2, Finals)
ASAHAN na dudumugin ng mga panatiko ng Petron ang Cuneta Astrodome para maging bahagi ng kasaysayan na balak ng Lady Blaze Spikers sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference ngayon.
Sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay sasagupain ng Lady Blaze Spikers ang Shopinas Lady Clickers at nakataya sa Petron ang maging kauna-unahang koponan na nakadalawang sunod na titulo sa pamamagitan ng 13-0 sweep sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Galing ang Lady Blaze Spikers sa 25-18, 25-14, 25-19 straight sets panalo sa Lady Clickers sa Game One noong Lunes sa Imus Sports Complex sa Imus City para makauna sa best-of-three championship series.
“Hindi ako magsasalita pero gagawin namin ang lahat para kunin na ang titulo,” wika ni Petron coach George Pascua.
Lakas at husay nina Dindin Santiago, Rachel Ann Daquis at Abigail Maraño ang aasahan uli ng Lady Blaze Spikers para makumpleto ang makasaysayang kampanya.
Hindi naman basta-basta padadaig ang Lady Clickers na pilit na ipapanalo ang laro para mapaabot sa deciding Game Three sa Sabado.
Si Cha Cruz, na gumawa ng 13 puntos sa huling laro, ang siyang mangunguna sa Shopinas pero dapat na itaas ng ibang kakampi ang kanilang laro para tumibay ang laban.
Sina Stephanie Mercado at Rizza Mandapat ay nalimitahan sa anim at apat na puntos upang magkaroon lamang ng 25 attack points sa 105 attempts ang koponan sa unang pagtutuos.
Dapat ding gumanda ang reception ng koponan bukod sa paglimita sa kanilang errors na sa Game One ay nagkaroon ng 23 errors.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.